‘DI ko mapigil na agad mag-isip ng masama sa nangyaring helicopter crash kahapon sa isang malaking bakanteng lote sa San Pedro, Laguna na kinasasakyan ng ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) kasama rito si PNP chief General Archie Gamboa.
Medyo natabunan naman agad ang aking agam-agam habang isinusulat ko ang kolum na ito, sa lumabas na initial report na nasa “stable condition” naman si CPNP Gamboa at ang pito pang kasama nitong sakayng bumagsak na Bell-429 helicopter. n“All eight individuals in the helicopter are safe and sustained minor injuries,” sabi ng PNP Public Information Office.
Ang iba pang sakay ng helicopter nang mag-take off ito sa may Barangay San Antonio ay sina Maj. Gen. Mariel Magaway, PNP Director for Intelligence; Maj. Gen. Jose Maria Ramos, Director for Comptrollership; Brig. Gen. Bernard Banac, PNP spokesperson, dalawa pang PNP officer at ang dalawang piloto.
Mula sa nasabing lugar ay lilipad dapat patungo sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna ang grupo ni CPNP Gamboa para sa itinakdang “command visit” nang maganap ang sakuna.
Una silang lumapag dito sa bakanteng lote na tinatawag na Laperal Compound – pribado ito at sinasabing subject ng isang demandahan – at pansamantalang ipinahiram sa PNP Traffic Management Group (PNP-TMG) upang gawing paradahan ng mga “impounded” na sasakyan.
Ayon sa initial investigation ng PNP, nabalot ng makapal na alikabok ang buong paligid nang mag-take off na ang chopper at naging “zero visibility” sa buong lugar. Abot tanaw pa ng mga nasa paligid ang papalipad na chopper nang bigla itong umikot nang patagilid, umingay at nag-apoy.
Sa “impromptu” press conference ng PNP-PIO sa isang ospital, “sumabit” umano sa isang live wire ang papaitaas na Bell chopper na siyang naging dahilan nang pagkasunog at pagbagsak nito.”
Hindi ko gustong pangunahan ang mga imbestigador na gumawa ng “initial report” na ito, na siyang naging basehan naman ng press release na ibinigay sa mga mamamahayag kahapon ng tanghali.
Pero dapat ay ‘wag naman nilang agad na ibasura ang angulo ng “sabotage” – dahil nagbigay agad sila ng conclusion na pagsabit sa live wire ang sanhi ng helicopter crash – bagkus tutukan itong mabuti at gawan pa nang malalim na pag-iimbestiga.
Dapat ay isaalang-alang ng mga imbestigador ang magiging pahayag ng dalawang piloto na naging “successful” naman ang ginawang pag-landing sa bakanteng lote, na ayon sa naman sa report na nakuha ko ay: “Napapaligiran ng mga malalaking kable (wired fence) dahil sa ongoing land dispute na kinapapalooban nito.”
Sa tingin ko ay mahalaga rin na masuring mabuti ang mga cellphone video ng mga taong nasa paligid na nakakuha ng actual na video habang papaitaas ang chopper nina CPNP Gamboa, para makita kung may iba pang dahilan ang pagkasabit ng chopper sa “live wire” na nakakabit sa mga poste sa paligid ng naturang lote. Malay natin, ‘di ba?
Para sa akin kasi medyo malabong dumikit nang pagpapalipad ang mga piloto sa mga live wire na tagumpay namang nilang naraanan sa pagla-landing – sa gitna ng lote bumaba ang chopper kaya siguradong malayo sa mga poste na nasa gilid ng kalsada.
Bigla tuloy pumasok sa aking isipan ang aksidenteng naganap noong Agosto 18, 2012 sa isang Piper PA-34 Seneca light aircraft na may sakay na apat na tao, kasama rito si DILG Secretary Jesse Robredo. Tatlo ang namatay rito, kasama ang DILG secretary.
Nag-crashed ang maliit na eroplano ‘di kalayuan sa isla ng Masbate mula sa paglipad nito galing ng Mactan-Cebu International Airport patungong Naga City. Aksidente umano ito ayon sa agad-agad na resulta ng ginawang imbestigasyon ng mga kinauukulan noon.
Ayokong basta-basta maniwala noon hanggang wala pang malalimang imbestigasyon – kaya hanggang sa ngayon ay ‘di ko pa rin mapaniwalaan na aksidente ang naganap, lalo pa nga’t may mga nabasa akong naglabasang resulta ng malalimang imbestigasyon na isinagawa ng mga eksperto sa naturang insidente.
Imbestiga pa more mga parekoy!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.