Isyu pala sa bashers ni Alden Richards ang pagbili niya at paggamit ng kanyang two-door red Ferrari. Nagyayabang daw siya at tinawag pang new rich.
Kaloka naman, bakit naman hindi niya gagamitin ang Ferrari eh, sa kanya ‘yun? Kaya nga siya bumili para magamit. Alangan namang nasa garahe lang ang sasakyan at tinitingnan lang niya araw-araw.
Mabuti at sanay na sa bashing si Alden at tuloy pa rin ang paggamit sa kanyang Ferrari at nakakatuwa nga dahil ang daming sightings sa kanya na nakasakay sa Ferrari.
Nakita si Alden sa isang gasoline station at nagpa-selfie ang gasoline boy sa kanya. Nakita siya sakay ng Ferrari galing sa TAPE Studio kung saan ginagawa ang Eat...Bulaga.
Nakita rin siya at ang kanyang Ferrari at si director Paolo Valenciano sa isang resto/bar na ang owner ay kaibigan niya. ‘Katuwa nga dahil ‘pag nakita ang red Ferrari ni Alden sa Edsa, kinukunan ng picture kahit hindi makita si Alden.
Naalala namin, noong bago pa lang sumisikat si Alden, nabanggit na dream niyang magkaroon ng Ferrari, kaya siya nagsikap at this year, natupad ang matagal na niyang pangarap.
Saka, inayos muna ni Alden ang kanyang pamilya, pinag-graduate ang kapatid, pinag-aaral ang isa pang kapatid, bumiling bahay para sa kanyang pamilya. Every year, dinadala sa ibang bansaang kanyang pamilya at nagnegosyo para pa rin sa kanyang pamilya.
May mga scholar din si Alden, may mga tinutulungang matatanda at isang community ng mga Aeta sa Zambales. Siguro naman, tama lang na isipin naman niya ang kanyang sarili tutal, pinaghirapan naman niya ang kanyang milyones!
Tama ang payo ng fans ni Alden sa mga naiinggit sa aktor, magtrabaho at magsipag sila para yumaman din gaya ni Alden para hindi maiinggit sa mga gamit ni Alden.
Samantala, tuloy ang paglabas ni Alden sa All-Out Sundays at pagho-host ng Centerstage na every Sunday din ang airing sa GMA-7. Pinaghahandaan na rin nito ang July 25, concert niya sa Smart Araneta Coliseum at inaabangan kung kailan uli siya gagawa ng pelikula.
-Nitz Miralles