TUWING sasapit ang ika-25 ng Pebrero, sa loob ng nakaraang 34 na taon, umuukilkil sa aking alaala ang mga katagang: “We, the Americans, like to think we taught Filipinos democracy. Tonight, they are teaching the world.”
Naglalakad ako sa makasaysayang tulay ng Mendiola ‘di kalayuan sa front gate ng Palasyo ng Malacañang, nang marinig ko ang mga katagang ito sa isang foreign journalist na nagla-live report hinggil sa katatapos lamang na apat na araw na pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa diktaturyang rehimeng Marcos.
Kalalabas ko pa lamang noon sa Palasyo ng Malacañang – nakasama kasi ako sa unang bugso ng mga taong nakapasok sa Malacañang matapos makumpirma na tumakas na ang pamilya Marcos –at malapit nang maghatinggabi sa pang-apat at huling araw na mga pangyayari sa bansa.
Tinagurian itong “1986 EDSA People Power Revolution” nahinangaan sa buong mundo at naging modelo pa ng ibang mga bansa na matagal na ring nasa ilalim ng diktaturya, upang makamtan din ang kanilang demokrasya.
Araw rin noon ng Martes at dapithapon na, umaapaw sa tao ang buong Mendiola na naghihintay sa napabalitang pag-alis ng pamilyang Marcos sa Malacañang. Subalit bago ito naganap ay nagkaroon pa ng mga maaksiyong pangyayari sa kampo ng mga Marcos at oposisyon.
Madaling araw pa lang ay naka-buntot na ako sa mga grupo ng rebeldeng sundalo na patungo sa Quezon City para mapigil ang nakatakdang propaganda-broadcast ni Marcos sa telebisyon na ang gagamitin ay ang CH-9 transmitter na ‘di kalayuan sa Bohol at Quezon Avenue. Nakakuha ako agad ng magandang puwesto para sa aking news coverage.
Nang mga oras ding iyon, abala naman ang kampo ng pamilya Aquino at mga rebeldeng sundalo sa pag-aayos sa Club Filipino sa Greenhills, na pagdarausan ng napipintong inauguration ni Tita Cory bilang bagong halal na pangulo ng Pilipinas, batay sa napagkasunduan ng lider ng breakaway group nina Defense Secretary Johnny Enrile at PC/INP Chief Fidel V. Ramos.
Naging maaksyon ang operasyon ng mga rebeldeng sundalo saCH-9 transmitter dahil mahigit isang oras din silang pinigil ng mga bala ng isang “loyalist” sharpshooter na nagtali ng kanyang sarili sa tuktok ng tower, dala ang isang Garand rifle at balang nakapaikot sa kanyang katawan. Mula sa mataas ngunit bentaheng lugar, pinadadaplisan nito sa ulo at katawan ang bawat rebeldeng sundalong nagtatangkang lumapit sa transmitter.
Kaya’t naka-pag-broadcast din ang pamilya Marcos sa CH-9 ng ilang minuto, na bigla ring natigil nang rapiduhin ng isang helicopter gunship ang sharpshooter na bantay ng transmitter.
Nang maputol ang programa ng inauguration ni Marcos, agad naman umere ang panunumpa ni Tita Cory bilang ika-11 pangulo ng Republika ng Pilipinas sa harapan ni Senior Associate Justice Claudio Teehankee, sa gitna nang pagbubunyi ng mga tao na nasa Club Filipino.
Dito rin agad na hinirang ni Tita Cory si Enrile bilang kanyang defense secretary at si Ramos naman bilang kanyang AFP chief of staff.
Mula sa Quezon Avenue, nakiangkas ako sa isang grupo ng mga rebeldeng sundalo na tumulak patungong Malacañang dahil sa impormasyong naka-alis na raw sa palasyo ang buong pamilya Marcos at ililipad na ng mga Amerikano patungong Hawaii.
Umaapaw ang buong Mendiola sa dami ng mga taong kumakanta ng “Bayan Ko” na pawang gustong makapasok sa lugar na halos 20 mga taon ding naging off limits sa mga ordinaryong mamamayan.
Mahigit isang oras pa ang nagdaan bago tuluyang makapasok sa loob ng compound ng Malacañang ang alon ng mga taong nagbubunyi sa kanilang panalo sa 4 na araw na pakikipaglaban para mapatalsik ng tuluyang ang diktatoryang Marcos.
Ang nakalulungkot na bahagi na aking nasaksihan – karamihan sa mga nakapasok sa Malacañang ay kani-kanyang dampot ng pang “souvenir” daw ng Martial Law na sa tingin ko naman ay mga mamahaling bagay!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.