SA pahayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd), mukhang hindi na ito mapipigilan sa pagpapagamit ng ‘sablay’ sa milyun-milyong mag-aaral na nagtatapos sa elementary at high school sa buong bansa. Ang ‘sablay’ -- isang tela na mistulang ibabalot o isasablay sa katawan ng magtatapos na mga estudyante -- ang magiging kahalili ng toga na may cap at gown na matagal nang isinusuot sa mga graduation rites.
Sa pangkalahatang paglalarawan, nalantad ang magkasalungat na argumento: Ang pagpapagamit ng ‘sablay’ ay simbolo ng pagkamakabayan samantalang ang pagsusuot ng toga ay dagdag-gastos para sa mga magtatapos.
Maaaring may matuwid ang DepEd sa panukala hinggil sa pagsusuot ng ‘sablay’ na ngayon ay sinimulan nang ipatupad sa ilang elementary at high school sa kapuluan. Ito ay naglalarawan ng mayamang kultura ng mga Pilipino, tulad ng pagkikintal ng tunay na diwa ng ‘makabansa at makakalikasan’.
Naniniwala ako na ang pagpapagamit ng ‘sablay’ ay makatutulong sa pagpapaunlad ng ating local textile industry; magbibigay ito ng dagdag na kita sa ating mga kababayang manghahabi o weavers, lalo na ang mga katutubo o indigenous people. Higit sa lahat, makapagpapaunlad ito sa industriya ng bulak na sa aking paniwala ay isang mahalagang sangkap sa paghabi ng tela pra sa nturang kasuotan.
Ang cotton industry ay nagkataong pinagsisikapan ngayong paunlarin ng Department of Agriculture (DA) upang madagdagan ang iniluluwas nating bulak sa ibang bansa. Kaakibat nito ang pagtustos sa mga cotton farmers ng kanilang mga pangangailangan upang lalong lumaki ang cotton production.
Sa kabilang dako, ang toga na ipapalit sa ‘sablay’ ay laging itinuturing na isang magastos na kasuotan na isinusuot ng mga nagtatapos sa kanilang pag-aaral. Totoo na ito ay naglalarawan ng isipang kolonyal ng mga Pilipino; ang toga -- kasama ang cap at gown-- ay isang dayuhang kultura na dapat nang maihiwalay sa kulturang Pinoy.
Maaaring makasarili ang aking pananaw hinggil sa nabanggit na mga isyu. Subalit nais kong bigyang-diin na hanggang ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang paggamit ng gayong mga kasuotan para sa mga magtatapos ng pag-aaral. Kahit minsan, hindi ko naranasang magsuot ng gayong naiibang kasuotan sa kabila ng katotohanan na ako, kahit paano ay nakapagtapos naman ng elementary, high school at kolehiyo.
Naalala kong bigla ang isang kaputol na tula: “Kahit na ano ang isuot mong damit, ang bakas ng pagkalahi ay sumusunod sa likuran.” Ang ating natutuhan sa mga paaralan hanggang sa pagtatapos ay hindi masusukat sa pamamagitan ng pagsusuot ng ‘sablay’ at toga.
-Celo Lagmay