ILANG araw bago ipagdiwang ang ika-34 na taon ng 1986 EDSA People Power revolution, ay nagkakagulo na ang mga intelligence operative ng pamahalaan sa pag-monitor sa “pasingaw” na ang nakatakdang programa sa makasaysayang lugar ay pagsisimulan ng pagkilos na magbabagsak sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Napangiti ako nang todo sa nangyayaring ito, bigla ko kasing naalala ang mga nakaraang “pasingaw” rin ng mga naganap na “coup attempts” sa mga nakaraang administrasyon, lalo na nung panahon ni Pangulong Cory Aquino.
Kabi-kabila ang monitoring subalit palaging sablay ang mga impormasyon – karamihan kasi “deliberate leak” lamang upang magulo ang tabakuhan ng mga operatiba at saka para lamang makakuha ng pondo -- kaya naganap din ang mga pagkilos na karamihan naman ay napalpak dahil na rin sa katatagan, pagmamahal at katapatan ng mga sundalo sa ating watawat at constitution.
Sa tagal ko rin kasing nakasama sa maraming operasyon ng mga militar at pulis noong dekada 80 at 90, naabot ko ang damdamin ng karamihan sa ating mga operatiba (maliban lamang doon sa iilan na nagkamal ng milyones kasama ang iilan din namang corrupt nilang opisyal) ay tahimik lang subalit ang palaging nasa kanilang puso at damdamin ay ang sinumpaang nilang tungkulin para sa bayan…Para sa sambayanang Pilipino at hindi para sa mga ambisyoso at mapagsamantalang pulitiko!
Kaya nang marinig kong may lumulutang na naman na pumapapel na leader kuno ng isang pagkilos na maaari raw na magtuluy-tuloy na upang ibagsak ang administrasyong ito, napailing na naman ako nang todo at napasigaw sa sarili ko nang: “Magsitigil na nga kayo…Pati ba naman ang sentimyento na namamayani sa dibdib ng mga tao ay gusto pa ninyong pagkaperahan.”
At heto pa – gustong maging leader, nagso-solicit ng pondo kung kani-kaninong negosyante, ambisyosong pulitiko, at mga oligarko, pero nakalubog ang ulo kaya ‘di malaman kung sino talaga ito!
Ito naman ang masasabi ko kaugnay sa kasalukuyang naglalabasang tsismis hinggil sa napipintong “pagkilos kuno” laban sa pamunuan ni Pangulong Duterte.
Batay sa aking obserbasyon, ang totoong paggalaw ng mga taong nagngangalit ang damdamin para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino ay walang mukha!
Walang sinuman ang maaaring tumayo at umaangkin na siya o sila ang nagpasimuno sa pagsubo ng damdamin ng ating mga kababayan, na nagtulak sa “bloodless revolution” na hinangaan at naging modelo sa ibang mga bansa na matagal ding nasa ilalim ng diktaturya.
Kaya nga ang makasaysayang 1986 EDSA People Power ay hindi maaaring angkinin nina Tita Cory, Sen. Juan Ponce Enrile, Gen. Fidel V. Ramos, at maging ni Cardinal Sin, dahil sa ganang sakin, ay naging mga instrumento lamang sila nang nagngangalit na damdamin ng mga taong uhaw na uhaw na sa demokrasya na sinikil ng Marcos administration sa loob ng halos dalawang dekada.
Ang senyales ng isang napipintong pagsabog na animo bulkan ng pinagsama-samang galit ng mga kababayan nating Pilipino ay napipiho kong agad na sasakyan, igagalang at susuportahan ng nakararaming kawal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga operatiba ng Philippine National Police (PNP), at hindi nila ito ipagpapalit sa anumang kaluwagan at karangyaan sa buhay na ipang-uuto sa kanila ng kahit na sinong administrasyon…Huwag ninyo namang menosin ang mga kawal Pilipino!
Mabuhay kayong mga makabayan at tapat na miyembro ng AFP at PNP!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.