NAPALATAK at napamura ako nang malakas at paulit-ulit sa mga nabasa at napanood sa social media na pagbanat sa programang America’s Got Talent: The Champions, dahil sa umano’y “dinaraya” sa sikat na TV show ang Pinoy singer na si Marcelito Pomoy na isa sa mga nakasama sa finals.
Sa pakiramdam ko kasi, sa halip na makatulong sa career ni Pomoy bilang isang “doble-cara” na singe – nagbo-boses lalaki at babae na duet pa man din – ay dinudurog ito ng mga blogger at vlogger, na sa pakiwari ko’y ‘di naiiba sa mga nagpakalat ng mga fake news na nagpabago ng takbo ng pulitika sa ating bansa.
Marami akong nakausap hinggil dito at ito ang matinding sampol.
Galit na galit si Koyang Grab driver na kahuntahan ko kahapon na umamin agad na “diehard fan” siya ng Pinoy singer na si Marcelito: “Tapos na kasi ang maliligayang araw ng mga lintik na ito sa pulitika, kaya naman nagsilipatan na lamang sa entertainment at ang kawawang si Marcelito Pomoy pa ang nabiktima!”
Ang tanong ko naman sa driver: “Eh sa tingin mo ba may financier din sila para gawin ito bilang tulong kay Marcelito?” Dagdag ko pa: “Saka ano naman ang mahihita nila rito – pinasisikat lang nilang lalo ang dati ng sikat na AGT pero, sa bandang huli, ang talo rito ay ang manok natin!”
Malinaw na nasakyan ko ang paliwanang na ito ni Koyang driver na sa tingin ko ay gadget techie rin na katulad ko: “Wala na silang (fake news writer) kita sa pulitika, nagkalasan na kasi natakot sa banta ng USA laban sa mga nagsusulat ng fake news, kaya lipat na lang sila ulit sa YouTube. Marami kasing interesado kay Marcelito, bihira ang katulad niyang talent na buo ang palseto ‘tas malalim pa ang boses lalaki niya. Alam nilang marami ang magbabasa at manonood sa mga ilalabas nila sa social media hinggil dito, lalo na kung kontrabersiyal. Dun sila kikita sa dami ng viewers!”
Malaki ang tama ni Koyang driver ‘di ba?
Mukhang pa-kontrabersiyal talaga ang mga banat ng mga blogger at vlogger dahil nakasentro ang mga artikulo nila kay Simon Cowell na umano’y “niluto” ang resulta ng labanan upang paboran ang mga kalahi niyang kalaban ng Pinoy singer.
Iba talaga ang takbo ng utak ng mga kabayan nating ito na “magagaling” magsulat para sa social media – ‘di pa man tapos ang TV show na AGT: The Champions, ay tapos na ang boksing para sa kanila, at may nanalo na!
Parang Pinoy politics lang ‘di ba?
Lahat naman tayong mga Pilipino, siyempre ang hangad, na may kalakip pang dasal, ay manalo ang kababayan nating si Marcelito Pomoy sa AGT – ‘wag na natin sanang pangunahan ang mga hurado sa espesiyal na programang ito, upang ‘di mabura ang paghanga ng mga taga-ibang bansa sa talento sa pag-awit nating mga Pinoy.
O ano pang hinihintay ninyo – JAMMING na!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.