KAHIT malabo pa rin sa akin kung paano talaga nag-umpisa ang paggunita sa Valentine’s Day ay sasali na rin ako sa pagdiriwang nito ngayong araw, upang dakilain ang pagmamahalan ng mga magsing-irog na sa kabila ng mga pagsubok sa buhay na inabot nila ay nanatili ang matimyas na pagmamahal sa isa’t isa. Pagpapatotoo lamang sa pambungad na salita sa kanilang mga wedding invitation -- “Till death do us part”.
Sinabi kong malabo ang tunay na pinangmulan ng Valentine’s Day dahil hanggang sa ngayon ay ‘di pa matukoy kung sino talaga ang tunay na patron ng mga Kristiyano na pinagkunan ng pangalang ito na naging dahilan ng mga sala-salabat na kuwento, na noong 270 AD ay sinasabing isang mala-paganong pagdiriwang na ipinatigil ng mga may kapangyarihan.
Para sa akin ay hindi na mahalaga kung paano at saan ito nagsimula bagkus ang sinisimbulo lamang nito ngayong panahon – ang paggunita sa wagas na pagmamahalan ng mga magkasintahan at mga pinagtaling puso.
Nakatawag pansin sa aking pagsa-surf sa internet ang isang post ng iginagalang kong kapwa mamahayag, na kung ang pag-uusapan ay ang Valentine’s Day – masasabi ko na lodi ko siya sa pagiging isang mapagmahal na kabiyak ng babaing kung tawagin namin noon na mga nabatos na reporter ay si “Manang Linda.”
Post sa Facebook ng dating Editor, Malacañang at Defense reporter na si Alex Allan: “Valentine’s Day is one big scam. If you truly love someone, you would show it every day.”
Na agad namang sinagot ng isang netizen ng ganito: “Ang Valentine’s Day ay negosyo lang yan. Karamihan nag-a-aburido kung anong ireregalo sa gf o bf, at asawa. Hindi ako naniniwala dyan. Ang tunay na pagmamahal ay ipinadarama sa araw- araw at hindi lang sa inembentong ito na kung tawagin ay Valentine’s Day.”
Parehong malaki ang tama nina Manong Alex at ng netizen na unang-una sa pagre-react sa kanyang FB post.
Ngunit kapag hinggil sa pagmamahal sa kabiyak ang pag-uusapan, nakataas agad ang dalawang kamay na kasama pati ang dalawang paa ko, sa laki ng sampalataya ko kay Manong Alex.
Siyang tunay – si Manong Alex, ang matikas na mamamahayag noong dekada 70 hanggang 90, ang kabiyak ni Manang Linda, na halos isang dekada na ring nakaratay sa karamdaman at buong pagmamahal na solong inaaruga ni LODI Alex sa kanilang bahay sa Valenzuela City.
Bagaman retired na siya bilang isang mamamahayag, nakapila pa rin naman ang trabahong naghihintay kay Manong Alex, subalit nagawa niyang tikisin ang sarili na magtrabahong muli, upang maibigay ang buong panahon sa pag-aalaga sa pinakamamahal niyang si Manang Linda.
Di naman monopolized ni LODI Alex ang pagiging mabuting asawa sa hanay ng mga mamamahayag – pamoso sa pagiging lahi ng mga pikutin -- na masyado raw malapit sa mga working girls sa lipunang ginagalawan.
Isa pang LODI ay si Manoy Jun Franciso nakahanay ni Manong Alex sa larangan ng pamamahayag. Halos kasabayan ko rin sila noon, yun lang ako ang pinakabata sa grupo!
Si Manoy Jun -- kadarating niya lamang mula Estados Unidos nitong nakaraang linggo – ay nakabakasyon dito sa bansa,makaraan ang halos isang dekadang pagtatrabaho sa San Francisco, California, na kanya ring tinalikuran upang fulltime na maasikaso ang nakaratay niyang asawa na si Manay Helen.
Marami pang mga LODI ngayong Valentine’s Day mula sa hanay ng mga mamamahayag – na mga kakilala ko ng personal -- gaya nina Koyang Melo Acuna, Manoy Jess Matubis, mga pards kong sina Richard Steele, Ernie Sarmiento at Val Villanueva.
Kulang lang kasi sa espasyo para maikuwento ko kung paano ko sila naging LODI – basta ganun din sila!
Doon sa mga dabarkads pero ‘di ko nabanggit – next time na lang kapag sure na sure akong pasado na kayong maging mga “Valentine’s Day LODI” ko!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.