NAGING mabilis na ang kilos ng mga tao sa mundo sa kasalukuyan. Noong mga unang panahon, inaabot ang mga manlalakbay ng ilang buwan bago marating ang ibang teritoryo. Sa katunayan, inabot ng tatlong taon ang naging paglalayag ni Magellan mula nang umalis ito sa Espanya, dumating sa Pilipinas, hanggang sa nakabalik ang isa sa mga natira nitong barko. Ngayon, oras na lamang ang ginugugol ng mga naglalakbay—mga turista at negosyante—upang makaikot sa mundo.
Ganito rin ang nangyayari sa mga ideya. Nagpapahintulot ang makabagong teknolohiya sa komunikasyon at pagpasok ng social media upang makapagbahagian ang mga tao ng kanilang pananaw—sopistikado man o hindi, totoo man o hindi—sa buong mundo.
Ang mga pagbabagong ito, karamihan, ay naging napakapositibo at nagpahintulot sa atin na umunlad. Ngunit tulad ng anumang teknolohiya, may madilim itong bahagi. Ang magaang paglalakbay ay inaabuso ng ilan para sa human trafficking, na sinasamantala ang pinakamahihina sa atin, ang mga kababaihan at mga bata. Sa pagpasok natin ng bagong taon, isang bagong virus, na naging mas mapanganib sa paggalaw ng mga tao, ang nagbabanta ngayon sa buhay ng marami.
Nagbabanta ngayon sa mundo ang novel coronavirus (2019-nCoV) na nagsimula noong huling bahagi 2019 sa Wuhan, China, nang simulang imbestigahan ng mga doktor ang isang “series of patients with unexplained pneumonia”.
Makalipas ang dalawang linggo, kinumpirma ng World Health Organization (WHO) na ang “unexplained pneumonia” ay isang bagong strain ng coronavirus. Ayon sa mga opisyal ng WHO, kabilang ang 2019-nCoV sa pamilya ng Coronaviruses (CoV) na naipapasa mula sa hayop patungo sa tao. Ang mga tinatamaan ng sakit ay nakararanas ng sintomas sa respiratory, lagnat, ubo, at hirap sa paghinga. Sa ilang kaso, humahantong ito sa pagkamatay ng pasyente.
Ang nakababahalaga ngayon sa mga virus, ay mabilis itong maipasa. Unang nag-anunsiyo ang Thailand at Japan na unang kaso ng virus sa labas ng China. Bago magtapos ang Enero, kinumpirma na rin ng Department of Health ang unang kaso ng novel coronavirus sa bansa. Kumalat na rin ito sa US at Europe.
Maging ang mga ideya ay naging viral na rin. Hindi ito nakamamatay tulad ng coronavirus ngunit ang maling impormasyon ay maaaring sumira ng reputasyon, magpalala sa ilegal na gawain tulad ng child prostitution at iba pang scam na maaaring bumiktima sa mga ordinaryong tao. Maging ako ay nabiktima na ng misinformation, kamakailan.
Hindi ko sinasabing ang nangyari sa akin ay maihahalintulad sa mga pinagdaraanan ng mga tinamaan ng virus. Nais ko lamang maipaliwanag kung gaano kabilis namamanupaktura ang kasinungalingan at kumakalat sa mundo, sa hangaring mas maging maingat ang ating mga kababayan sa kanilang mga paniniwalaan—maloko at mapaniwala—ng anumang kanilang nababasa sa social media.
Kinailangan ko pang magpalabas ng pahayag sa press dahil pinaniwalaan talaga ng ilan na nag-eendorso ako ng cryptocurrency program na naggagarantiya sa mga tao na yayaman “within three to four months.” Siyempre, fake news ito. Naiintindihan ko na may ibang personalidad na rin na nabiktima ng ganitong scam.
Isa itong maliit na abala sa akin, ngunit higit akong nabahala para sa mga tao na maaaring mabiktima ng ganitong mga scam. Nasaksihan ko na ang ilan na mamuhunan sa ganitong klase ng investment schemes na nagnanakaw sa mga pinaghirapang kitain ng mga tao. Noon, kailangan pang pumunta ng mga scammer sa mga bahay upang ipakalat ang kanilang kasinungalingan, ngunit dahil sa epekto ng maling impormasyon sa kasalukuyan, nagkakaroon ang mga scammer ng abilidad na maabot ang mas maraming tao upang samantalahin.
Naging isang industriya na rin ang gawaing ito. Ang malawakang paggamit ng social media ay nagbibigay ng oportunidad para sa mga kriminal na makapanloko. Nakaiisip ang mga scammer ng bago at kakaibang paraan upang makapanloko ng mga tao, para sa pera o makakuha ng mga personal na datos, na maaaring magamit sa pinansyal na pananamantala.
Hindi tulad ng mga virus na kailangan ng sapat na panahon upang makabuo ng lunas, ang pinakamainam na sagot sa social media scam ay mananatiling sapat na edukasyon at pagiging mapagmatyag ng ating mga mamamayan. Ang aking general rule “if it’s too good to be true, it probably isn’t.”
-Manny Villar