KUNG hindi matitigil ang walang habas na panggagahasa sa mga birheng kagubatan sa lalawigan ng Rizal, napipiho ko na ‘di na magtatagal ay muling mararamdaman ng mga taga kanugnog pook nito at sa buong Kalakhang Maynila ang lupit ng paghihiganti ni Inang Kalikasan.
Kasama ako sa isang grupo ng mga mamamahayag na personal na nasaksihan ang walang habas na paglapastangan – pagmimina ng bato at buhangin o quarrying – sa dating luntiang kapaligiran, sa isang bahagi ng munisipalidad ng Rodriguez (mas kilala sa tawag na Montalban) sa may paanan ng Mount Pamitinan, isa sa paboritong “hiking place” sa lalawigan ng Rizal.
Sa loob lamang ng halos 10 buwan, ang isang dating bulubunduking lugar na nalalambungan ng makapal na puno ng manga na hitik sa bunga, ay nagmistulang isang malawak na disyerto na ginagapangan ng mga naglalakihang traktora, mga pambungkal na makina, at mga truck na gamit panghakot ng mga bato at buhanging na-mina.
Batay sa kuwento ng ‘di makakibo na mga nakatira sa paligid ng paanan ng makasaysayang bundok ng Rizal, ang mga “rapist” ay pawang mga singkit na ‘di marunong magsalita ng Tagalog, at ang palaging kasama nito na mga kaututang dila, ay ilang ganid na local officials at mga tauhan ng pambansang tanggapan ng pamahalaan na siyang dapat mangalaga sa ating kapaligiran.
Tampulan sa usapang narinig ko sa mga nakatira sa paligid ng “quarrying site” ay sobrang malakas ang may-ari nito sa ilang mataas na official sa administrasyonkaya’t ‘di matinag-tinag kahit anong sumbong nila sa local government unit (LGU) at maging sa pamunuan ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal.
Heto pa ang matindi – mukhang ‘di pa nasisiyahan ang “singkit” na may-ari ng “quarrying site” -- kasama ang maliit na team mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), tinatakot ng mga ito ang mga original na nakatira sa paanan ng bundok upang magsilikas at iwan ang lugar. Isang maduming paraan upang mapalawak ang kanilang “quarrying operation” sa lugar at ipagpatuloy ang pag-rape sa kalikasan!
Natatandaan ko pa, bagong pasok pa lamang ang administrasyong Duterte nang magkaroon ng malawakang pagbaha sa paligid ng Rizal, at kasama sa naperwisyo ng todo ay ang bayan ng Taytay at Marikina City. Inulan ng sumbong at reklamo ang Malacañang administrasyon hinggil sa naglipanang “quarrying site” sa lalawigan ng Rizal na labis na ikinabahala ni Pangulong Duterte kaya’t agad na nag-utos na ipasara ang mga ito.
Sumugod pa nga sa lugar ng mga nasalanta si Senator Bong Go na noo’y pangunahing opisyal sa Palasyo, at personal na pinangunahan ang pagpapatigil sa mga “quarrying operation” na agad namang natigil.
Ngunit ‘di naman nagtagal ay muling nabuksan ang mga “quarrying site” na ito, mas aktibo ang mga bagong operator at ngayon nga ay mukhang mas malala pa ang mga pinaggagagawa kumpara sa mga dating operator nito!
Anyare kaya sa nagbabagang utos mula sa Palasyo – na agad din namang ipinatupad noon ng Calabarzon DENR-Mines and Geosciences Bureau – na ipatigil ang lahat ng operasyon sa lugar ng mga “quarrying site” sa buong lalawigan ng Rizal.
Magkano kayang dahilan ang sanhi ng biglang pagpapatuloy ng operasyon nito, na ngayon nga ay mabilis pang lumalawak ang mga lugar na bulubunduking kanilang pinapatag?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.