SA isa pang walang katapusang pagkakataon, muling pinausad sa Kamara ang pagsasabatas ng Divorce Law na paulit-ulit nang tinututulan ng iba’t ibang sektor ng ating mga kababayan, lalo na ng mga religious groups. Dahil dito, ang naturang panukala ay laging itinuturing na ‘dead on arrival’ sa plenaryo hindi lamang sa Kamara kundi maging sa Senado.
Sa pagkakataong ito, tila determinado ang ilang mambabatas na isulong ang naturang panukalang-batas sa paniwala na ito ang epektibong solusyon upang maiwasan hangga’t maaga ang tuluyang pagkawasak ng isang pamilya. Nakaangkla marahil ang gayong paninindigan sa katotohanan na maraming mag-asawa ang kinupasan na, wika nga, ng pagmamahal sa isa’t isa matapos na sila ay pag-isahin sa banal na sakramento.
Hindi maiiwasan na sa gayong nakadidismayang pagsasamahan na mag-asawa, nadadamay ang kani-kanilang mga anak na malimit na humantong sa walang katiyakang pamumuhay; naghuhudyat ito ng tuluyang pagkawasak ng pamilya na hindi sana dapat mangyari kung nagkakaunawaan, nagmamahalan at naging huwaran ang kanilang mga magulang.
Ang ganitong mga paninindigan ay hindi malayong ipagkibit-balikat ng ilang sektor, lalo na ng mga organisasyong pangrelihiyon. Ang Simbahang Katoliko, halimbawa, ay natitiyak kong kagyat na tututol sa naturang panukala. At iisa ang lagi nilang iminamatuwid: Ang pinag-isa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring paghiwalayin ng sinuman. Nakaangkla ito sa banal na tagubilin na ang sinumang inihaharap sa dambana ay marapat na magmahalan hanggang kamatayan; magsasama sa hirap, ginhawa at karangyaan sa laht ng pagkakataon.
Gusto kong maniwala na ang gayong mga tagubilin ay tila naglahong-bula na, wika nga, sa isang pag-asawahan bagamat naniniwala ako na ang ilan sa kanila ay nalalambungan pa ng kabanalan ng sakramento. Ibig sabihin, angkop lamang sa hindi nagkakaunawaang mga mag-asawa ang mabigyan ng pagkakataong magpanibagong-buhay alang-alang sa kaligtasan ng isang nanganganib mawasak na pamilya.
Sa pamamagitan ng Divorce Law na umiiral na sa halos lahat ng bansa maliban lamang sa Pilipinas, maaaring sumilang pa ang isang maaliwalas at maayos na relasyon ng mga pamilya na malimit tampukan ng walang katapusang patutsadahan, iringan, paghamak, parunggitan na hindi malayong humantong sa isang malagim na wakas.
-Celo Lagmay