KAMAKAILAN ko lang nalaman na karamihan pala sa mga tinapay na inaalmusal at minimeryenda natin araw-araw ay niluto ng mga panaderong Batangueño, na halos lahat ay tubong Cuenca, isang 4th class municipality sa lalawigan ng Batangas, na tinaguriang “Home of the Bakers.”
Kaya naman hindi na ako nagulat nang marinig ko ang balitang umulan ng sari-saring malinamnam at masustansiyang tinapay at pastries para sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano na nakatira sa mga bayan-bayanan -- na gaya ng Cuenca – na nasa paligid ng makasaysayang Taal Lake.
Mahigit isang linggo ring nagkapit-bisig ang mga Batangueñong panadero na bumubuo sa Philippine Federation of Bakers (PFB) at Philippine Flour & Bakers Association (PFBA) sa pangunguna, eh nino pa nga ba – kundi ng kaibigan kong tinagurian na “maestro panadero” sa buong bansa na si Lucito “Ka Cito” Chavez.
Si Ka Cito ang may-ari ng sikat at dinarayong Tinapayan Festival Bake Shoppe sa may kanto ng Dapitan Street at Don Quixote Street, Sampaloc, Maynila na lingguhang pinagdarausan ng Balitaan Sa Maynila news forum, kung saan ako ay isa sa mga moderator.
Kuwento ni Ka Cito, sa loob lamang ng pitong araw ay umabot na sa 80,000 piraso ng tinapay – kasama rito ang masustansiyang “Nutri-Aid Bread” – ang naipamahagi ng kanilang grupo sa mga kababayang nasalanta sa mga bayan sa Batangas.
“Maliit lamang kaming bakery, pero pinilit naming gumawa ng 10,000 piraso araw-araw sa loob ng mahigit isang linggo para ipamahagi sa nasalanta ng bulkan,” ani Ka Cito.
Ang mga lugar na ito sa Batangas na inulan ng masarap at masustansiyang tinapay ay binubuo ng Balayan, San Luis, Malvar, San Nicolas, Alitagtag, at ang Cuenca, na siyang pinanggalingan ng magigiting nating panadero na nakakalat ngayon sa buong kapuluan.
Katuwang naman ng mga panadero sa pamamahagi ng tinapay sa mga nasalanta ay ang barangay official sa mga kanayunan, gaya ng Alitagtag Association of Barangay Captain, na pinamumunuan ni Ding Mangundayao, at ng mga namumuno sa bayan ng Cuenca.
Sa mga pagkilos na ito – pamimigay ng tulong sa mga nasalanta -- ay palagi ring nakaantabay ang mga opisyal mula sa Civil Service Commission (CSC) kaya’t naging maayos ang pamamahagi ng pagkain sa mga nangangailangan nating kababayan.
Siyempre, todo pasasalamat din si Ka Cito, sampu ng kanyang mga kasamahan, sa mga malalaking kumpanya na nagbigay ng malaking suporta sa mga panadero kaya naging matagumpay ang kanilang operasyon tulong sa Batangas. Kabilang dito ang San Miguel Mills na nagpadala ng 30 bag ng harina na ginamit nila sa paggawa ng tinapay.
Pinasasalamatan din nina Ka Cito ang iba pang panadero, gaya ni Henri Ah – isa ring Cuencaño -- ng Liberty Bakery (Kapitbahay ko ito sa kanto ng Sande at Mejorada Street, sa Tundo, Maynila at sinisiguro ko sa inyo na dinarayo ang napakasarap na tinapay nila rito!) na nagpadala ng 5,000 hamburger buns, na mabilis ding naipamahagi sa mga nasalanta.
Ang BAYANIHAN -- isa sa mga nawawala nang Filipino traits and values – ay muling nabuhay sa kamay ng grupong ito ng mga Batangueñong panadero…MABUHAY kayo!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.