KAILANMAN at saanman, hindi dapat maging biktima ng diskriminasyon ang ating mga kababayang may kapansanan, lalo na yaong tinatawag na mga para athletes -- mga manlalaro na bagamat may mga kapansanan ay lumalahok sa iba’t ibang larangan ng palakasan o sports competition.
Mabuti na lamang at gayon din ang paninindigan ng gobyerno, lalo na kung pag-uusapan ang kahalagahan ng ating mga atleta na nag-uuwi ng karangalan sa kanilang paglahok sa mga regional at international competition. Bunga nito, nailalagay nila ang ating bansa sa tinatawag na world map of sports.
Naniniwala ako na ito rin ang nagiging batayan ng Duterte administration sa pagbuhos ng ayuda sa iba’t ibang sports program. Sa pamamagitan ng Philippine Sports Competition (PSC), katakut-takot na pondo ang iniuukol ng pamahalaan sa palakasan, tulad nga ng ginawa nito sa katatapos na ASEAN Games na ang ating bansa ang tinanghal na pangkalahatang kampeon.
Sa bahaging ito, tahasang ipinahiwatig ni PSC Chairman Butch Ramirez na siya ay may soft spot sa mga atleta -- sa mga regular at para athletes. Ibig sabihin, patas ang kanyang paghanga at pagpapahalaga sa mga manlalaro sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Kabaligtaran ito ng tunay na kahulugan ng diskriminasyon. Ito ang dahilan ng walang katapusang pasasalamat ng pamunuan ng Philippine Para Athletes na ang mga atleta ay sasabak sa nalalapit na 10th ASEAN Para Games na nakatakdang idaos sa ating bansa sa Marso 20-28.
Hindi dapat panghinayangan ang gayong malaking pondo para sa ating para athletes; tulad ng ating mga regular athletes na lumahok sa nakaraang ASEAN Games na nakasungkit ng katakut-takot ding medalya,ng ating mga para athletes ay nakapag-uwi rin ng gayong karangalan.
Noong 2017 Asian Para Games, na ginanap sa Malaysia, halimbawa, ang ating mga para athletes ay nakapag-uwi ng 69 medalya, kabilang ang 20 ginto, 20 pilak, at 29 na tanso. Sa Asian Para Games naman na ginanap sa Indonesia noong 2018, ang ating mga para athletes ay nakasungkit ng 10 gold, 8 silver at 11 bronze. Sa naturang mga sports competition, hindi lamang naglaan ng sapat na pondo ang PSC, kundi ito ay sumaklolo sa lahat ng pangangailangan ng mga atleta -- kabilang na ang puspusang pagsasanay dito at sa ibang bansa upang sila ay maihanda at maisabak sa pinakamahusay na manlalaro sa daigdig.
Ang gayong pagdamay ng PSC sa ating mga manlalaro, lalo na nga sa mga para athletes, ay marapat lamang lalong paigtingin hanggang sa grassroots sports development program. Batay ito sa katotohanan na ang mga manlalarong may mga kapansanan ay laging makapag-uuwi ng mga ginto, wika nga, para sa ating lahat.
-Celo Lagmay