MATAGAL nang dapat naisabatas ang panukala hinggil sa pag-aatas sa mga opisyal ng LGUs (local government units) na ilaan ang 10 porsyento ng kanilang taunang badyet para sa agrikultura. Naniniwala ako na pangunahing pakay ng gayong lehislasyon ang ibayong pagpapaunlad ng pagsasaka tungo sa pagtatamo ng kaseguruhan sa pagkain o food security na lubhang kailangan ng sambayanan, lalo na ngayon na patuloy na nadadagdagan ang halos 110 milyong populasyon ng ating bansa.
Natitiyak ko na ang naturang panukala ay susuportahan ng Department of Agriculture (DA) sapagkat magkakaroon ng epektibong pagtutulungan ang naturang kagawaran at ang mismong LGUs. Ang bahagi ng pondo ng mga pamahalaang lokal ay tiyak na sasapian, wika nga, ng DA agri funds na sadyang nakaukol sa puspusang implementasyon ng katakut-takot na programa ng gobyerno sa larangan ng agrikultura.
Nakalulugod mabatid na ang gayong panukala ay determinadong isinusulong ngayon ni Senador Cynthia Villar, chairman ng Senate committee on agriculture. Ang 10 porsyentong manggagaling sa annual budget ng LGUs ay pauusarin sa mga proyektong pansakahan, lalo na ng tinatawag na rural and urban agriculture. Sa pamamagitan ng mga municipal, city at provincial agriculturists, ang naturang pondo ay hindi malayong iukol sa pagpapalago hindi lamang ng aning palay kundi maging ng iba’t ibang livelihood at livestock projects ng ating mga kababayan sa kanayunan at kalunsuran.
Sa aking pagkakaalam, ang nabanggit na mga local agriculturist -- municipal, city at provincial -- ay naisalin na, divolved, wika nga, sa LGUs. Ibig sabihin, ang pamamahala at pondo na kailangan nila ay naisalin na rin sa mga local governments. Dahil dito, maaaring may kakulangan ang kailangan nilang gugulin upang maisulong ang mga programa na lalong makapagpapaunlad sa pagsasaka. Maliwanag na ang problemang ito ay nasilip ni Senador Villar upang obligahin ang LGUs na mag-ukol ng sapat na pondo para sa agrikultura.
Wala akong makitang dahilan upang ang nabanggit na panukala ay tututulan ng kinauukulang LGUs. Hindi marahil kalabisang hikayatin ang nasabing mga opisyal, kabilang na si Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, na suportahan ang naturang panukala. Nakaangkla ang aking panghihikayat sa aming gobernador sa katotohanan na marapat buhusan ng sapat na ayuda ang agrikultura upang mapanatili ang pagiging rice granary ng aming lalawigan.
Hindi dapat maliitin ang makabuluhang tungkulin na ginagampanan ng ating mga municipal, city at provincial agriculturists. Sila -- sa pamamagitan ng pamamatnubay ng DA -- ay makatutulong nang malaki sa pagtatamo natin ng kaseguruhan sa pagkain o food security
-Celo Lagmay