SA lahat ng araw sa buong isang linggo, tuwing Sabado ang pinakainiiwasan ko na mag-schedule ng anumang lakad lalo pa’t ang lugar ay nandito lang sa Metro Manila.
Sa araw na ito kasi pinakamatindi ang usad pagong na daloy ng trapiko
na aking nararanasan lalo pa’t ang palagi kong tinatahak ay ang Mindanao Avenue sa Quezon City, na isinusumpa ng mga motorista dahil sa parusang inaabot sa trapik dito araw-araw – lalo na kapag Sabado na lifted ang “truck ban” sa mga pangunahing lugar at wala ring “color coding” ng mga sasakyan.
Ngunit kakaiba ang nakaraang Sabado – nataong araw ng selebrasyon ng Chinese New Year na ipinagdiriwang din dito ng ating mga kababayan na may dugong Chinese – sobrang luwag ng mga kalsada at kapansin-pansin na halos walang mga dambuhalang truck na tumatakbo, lalo na sa Mindanao Avenue at maging sa Balintawak sa Caloocan City.
Bigla kong naisip – Chinese New Year lang, halos maubos ang mga higanteng truck sa mga kalsada – nangangahulugan ba ito na ang mga naglalakihang kumpanya na mga freight forwarders sa buong bansa, ay pagmamay-ari na ng mga negosyanteng Chinese kaya’t nag-holiday rin sa pagbiyahe nitong nakaraang Sabado ang mga delivery truck?
Kung malaki ang tama ko rito – sana naman ay sila ‘yung mga kinagisnan kong Chinese noon sa lugar namin sa Tundo, Maynila na mababait, mapagkawanggawa at mas may puso pang tunay na Pilipino – kesa sa iba naming kalugar – kaya biglang nagsipag-asenso sa negosyo.
Ang tanging siksikan ang mga pasahero, siyempre palagi naman itong ganito, ay ang MRT3 na lalong pinasikip ng makapal na taong gigimik patungo mga naglalakihang mall – na ang mga main entrance ay karugtong ng mga MRT station -- upang makisaya sa pagsalubong sa Chinese New Year.
Ngunit pakiwari ko talaga, ang karamihan sa mga kababayan nating ito, ay gusto lamang lumantak ng Tikoy at masasarap na Hopia na gawa sa malagkit, na talaga namang pagkakasarap -- lalo pa’t galing ito sa Eng Bee Tin Bakery. Me tama ba ako rito Mister Aris “Paeng” Ilagan, AKA Boy Commute?
Napansin ko pa nga na karamihan sa mga Elevator at Escalator sa mga MRT station sa buong kahabaan ng EDSA ay pawang mga pang-dekorasyon na lamang. Kawawa ang mga kabagang kong Senior Citizen na napipilitang pautay-utay na pumanhik sa napakatarik na hagdanan.
Mantakin mo naman, hingal kabayo ka sa pagpanhik sa MRT station, tiis sa pagpila para makakuha ng tiket, at ang pinakamatindi – sobrang siksikan sa loob ng mga tren na halos maghalikan na kayo ng mga katabi mo.
Hay buhay, kelan pa kaya titino ang serbisyong ito ng MRT…sabi nga sa kantang Pers Lab ng grupong Hotdog: “Sana’y malapit na.”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.