SA pagsasabatas ng bill hinggil sa pagtataas ng buwis sa sigarilyo at alak, iisa ang pinaniniwalaan kong pinakamalaking kapakinabangan: Dagdag na kita para sa gobyerno. Dagdag na income na natitiyak kong magpapaangat sa ekonomiya ng bansa para sa kapakinabangan ng sambayanang Pilipino, lalo na ang ating mga kababayang nagdarahop at hindi makaahon sa laylayan, wika nga, ng lipunan.
Kabaligtaran ito ng iba pang pinagtibay na batas na nagtatakda rin ng dagdag na buwis subalit itinuturing namang pabigat sa ilang sektor ng taumbayan. Ang Rice Tariffication Law, halimbawa, ay may kaakibat na tax hike subalit nangangahulugan ng dagdag na pagdurusa ng ating mga kababayang magbubukid; nagtatadhana ito ng halos walang limitasyong pag-aangkat ng bigas na mistulang tumalikod sa produksiyon ng mga magsasaka.
Mabuti na lamang at ang nakapanlulumong epekto ng naturang batas ay pinagaan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA); inatasan nito ang National Food Authority (NFA) na bilhin ang lahat ng aning palay ng ating mga magbubukid sa mataas na presyo; kahit na ang gayon ay mangahulugan ng pagkalugi ng pamahalaan, tulad ng minsang ipinahiwatig ni Pangulong Duterte.
Ang batas hinggil sa pagtataas ng buwis sa alak at sigarilyo, sa kabilang dako, ay nakatuon lang sa dagdag na pakinabang o kita para sa kaban ng bayan. Taliwas ito sa paniniwala ng ilang sektor na ang naturang batas ay isang epektibong hakbang upang masugpo ang pagkasugapa sa paninigarilyo at pag-inom ng alak. Naniniwala ako na ito ay hindi makapagpapahupa sa pagkasugapa sa naturang bisyo ng ilang sektor ng komunidad; kahit na anong panakot, kabilang na ang larawan ng mga may sakit ng kanser na nakalimbag sa mga kaha ng sigarilyo, ay hindi nila pinapansin.
Nangangahulugan lamang ito na ang pagsugpo sa gayong nakamamatay na mga bisyo -- paninigarilyo at paglalasing -- ay nakasalalay sa sariling kapasiyahan ng mismong mga sugapa; kahit na ang gayong pagkagumon sa naturang bisyo ay mistulang pagpapatiwakal.
Sa ganitong situwasyon, ang bahagi ng malaking kapakinabangan na matatamo sa tinatawag na sin taxes ay hindi kalabisang iukol sa rehabilitasyon ng mga lulong sa alak at sigarilyo. Baka sakaling mahikayat sila na magbago at maging kapaki-pakinabang na mga mamamayan.
-Celo Lagmay