Sa kaarawan ng katotong Ian Farinas na ginanap sa isang videoke bar nitong Miyerkules ng gabi ay nakatsikahan namin ang isa sa producer ng pelikulang Whether The Weather Is Fine na pinagbibidahan nina Charo Santos-Concio at Daniel Padilla na si Atty. Joji V. Alonso at nabanggit niyang nasa Tacloban City ngayon ng dalawa para sa shooting.
Natanong ang Quantum producer kung ano ang next project niya dahil na-miss siya sa katatapos na 2019 Metro Manila Film Festival na wala siyang entry gaya ng nakasanayan.
“Teka, tapusin ko muna itong Whether the Weather is Fine at medyo malaki ang gastos,” sagot ni Atty. Joji,
Ipinakita niya sa amin ang still photos sa mga nakunang eksena at talagang napa-“wow” kami dahil ang gaganda ng shots at kulay.
“See that, hindi madaling i-mount ‘yan kasi talagang nagtayo kami niyan (lugar na maraming bahay ang nasalanta), kasi ‘yung place as in bakanteng lugar lang,” kuwento sa amin ni Atty. Joji.
Oo nga, ang mahal kaya magpaulan o rain effect at sigurado kaming hindi lang isang araw kinunan ang eksenang humahagupit ang supertyphoon Yolanda.
Tungkol sa survivors ng Yolanda ang kuwento ng Whether The Weather Is Fine na personal experience ng direktor nitong si Carlo Francisco Manatad, kasama ang buong pamilya at kaanak nito na biktima ng naturang kalamidad at gusto niyang i-share sa buong mundo kung ano ang ginawa para makaligtas ang ilang kababayan niya.
Base sa video ni direk Carlo sa ginanap na TFL Awards ay nagkuwento siya kung ano ang inabutan niya sa Tacloban pag-uwi niya na inakalang walang naiwang buhay sa pamilya niya dahil mga nakakalat na bangkay ng tao ang dinadaanan niya.
Ayon kay Atty. Joji ay may mga natanggap silang funds mula sa iba’t ibang bansa sa Europe pero hindi sapat para mabuo ang pelikula kaya humingi siya ng tulong sa kapwa niya producers na hindi naman siya hinindian.
Base sa aming research ay 10 production outfit ang nag-invest para mabuo ang Whether The Weather Is Fine tulad ng ABS-CBN Films - Black Sheep, Cinematografica, Plan C, Globe Studios, House on Fire from France, AAND from Singapore, KawanKawan Media from Indonesia, iWant, at Dreamscape Entertainment.
“Nakakatuwa nga kasi tinulungan nila kami,” sambit ni Atty. Joji.
“’Yun lang hindi muna ito mapapanood sa Pilipinas, uunahin muna sa ibang bansa, isasali sa iba’t ibang Film Festivals kasi kung dito (sa bansa), parang malabo lalo’t istorya ito ng nasalanta ng bagyo. Sa ibang bansa okay ang ganito, eh,” katwiran ng lady producer.
At base sa nakita naming texture ng pelikula at mga kuha ay sigurado kaming maraming karangalan iuuwi ang Whether The Weather Is Fine.
-REGGEE BONOAN