HABANG inuulan ng mga patutsada ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa isyu nang pagtatayo ng mga communication tower sa loob at labas ng mga kampo sa buong kapuluan ng “Third Telco” na kontrolado ng pamahalaang China, ay nagbabalak naman ngayon ang bagong upong pinuno ng Philippine National Police (PNP) na maglagay ng “Chinese Desk” na hahawak sa dumaraming kaso ng mga Tsino sa bansa.
Hindi pa man kasi nag-iinit sa upuan bilang PNP Chiefsi Lt. General Archie Gamboa, ay agad niyang tinalakay ang bagay na ito sa kanyang unang press briefing na ginanap nitong Lunes sa Camp Crame.
“We need the cooperation of the Chinese people through their embassy. We will establish Chinese desks and cross training on language, on the culture so that mas maintindihan natin why they are doing this and how they’re going to do it,” ani Gamboa.
Ipinagmalaki pa nga ni CPNP Gamboa sa mga mamamahayag, na may mga paanyaya na ang Chinese government sa PNP na magpadala ng mga pulis sa kanilang bansa, upang sanayin sa tamang pamamaraan nang pag-iimbestiga sa krimeng kagagawan ng mga kababayan nilang kriminal na namamalagi sa Pilipinas.
“There are a lot of invitations, a lot of specialized schoolings and visits that has been initiated by the Chinese government of sending members of the PNP to China so that we would understand more their culture and how their syndicates do their thing in China and probably the same that they do here in the Philippines.”
Oh ‘di ba, talagang ang gagaling ng mga opisyal nating ito – kaya’t pasalubungan naman natin sila nang masigabong palakpakan.
Aba’y akalain ninyo, bukod sa lihim na mapapakinggan ng mga Intsik ang lahat ng sikreto ng pamahalaan dahil sa nakatayong mga communication tower ng mga ito sa mga kampo militar, ay may bonus pa sila ngayon na makialam nang diretsahan sa imbestigasyon ng kaso ng mga kababayan nilang kriminal – mabuhay talaga kayo dahil sa napakagaling ninyong mag-desisyon ng para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Kinikilabutan tuloy ako – aba’y sa dami at impluwensiya ng mga Intsik na drug lord sa bansa baka magamit lang ang “Chinese desk” na ito na listening post ng sindikado, at malay natin pwede rin itong gamitin ng mga intelligence operative na Tsino para sa kapakanan ng kanilang militar.
Ayon na rin sa bagong PNP chief, dumarami na raw kasi ang kaso ng kidnapping ng mga Chinese national sa bansa, at karamihan sa mga biktima ay mga manlalaro at empleyado sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), at ito ang target ng PNP–Chinese Desk na malutas kundi man mapigil nang lubusan ang lumalaganap na mga krimeng ito.
Pati nga ang paglaganap ng prostitution na ang mga babaing nagbebenta ng panandaliaang aliw ay mga Intsik din, ay nabanggit na hahawakan ng sinasabing Chinese Desk.
Pero teka muna, parang ‘di ko yata naulinigang nabanggit- na ang matitinding drug lord sa bansa ay mga Intsik din. Nakalimutan o sadyang deadma lang muna sa bagay na ito dahil baka may masagasaan na kaibigan?
Sa karanasan ko sa matagal na pagko-cover sa mga imbestigasyon ng mga pulis, naniniwala ako na hindi kinakailangang papasukin pa sa bakuran ng PNP ang mga counterpart nilang Intsik para makasama sa pag-iimbestiga sa mga krimeng nagawa ng mga kabaro nito.
Magagaling ang mga imbestigador ng PNP, lalo na kung nahasa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – ihiwalay lang sila sa pulitika at bigyan ng todong tiwala at suporta.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.