SINIMULAN ng Bulkang Taal ang bagong taon ng pasabog. Hindi malakas na tunog ng pagsabog ngunit isang “stream-driven eruption” na sinundan ng isang “magmatic” eruption. Ngunit ginambala nito ang buhay ng ating mga kababayan lalo na ang mga naninirahan malapit sa tanyag na bulkan.
Nagtaas ng alert Level 4 ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nangangahulugan ito ng posibilidad ng pagkakaroon ng mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw kung saan maaaring tumawid ng lawa ang mga ibubugang bato ng bulkan. Agad na tumugon ang pamahalaan sa panganib ng napipintong pagsabog sa pagpapalikas sa mga tao sa mga lugar na malapit sa bulkan at pagpapadala ng tulong sa mga napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan.
Nagpadala na ang Department of Public Works and Highways ng mga tao at suporta ng mga kagamitan para tumulong sa rescue and evacuation procedures sa ilang bayan sa Batangas. Maraming pribadong kumpanya kabilang ang PrimeWater at Crystal Clear ang nag-ambag na rin ng tulong. Kailangan dito ang matinding pagtutulungan kaya naman nakalulugod makita ang lahat na nagbabahagi ng kanilang maitutulong para sa ating mga kababayan.
Higit sa lahat, hinihikayat ko ang lahat na manatiling ligtas. Manatili sa kanilang mga tahanan at siguruhing nakabantay sa mga nagaganap. Maging mapagmatyag. Sundin ang abiso ng mga ahensiya ng pamahalaan upang masiguro na maiiwasan natin ang anumang pagkawala ng buhay at ari-arian.
Kailangang maging mabilis ang ating pagtugon sa anumang banta ng sakuna at pagtuunan ang proteksyon ng ating mga mamamayan. Malinaw ko pang naaalala ang naging pagputok ng Mt. Pinatubo noong Hunyo 1991. Makalipas ang ilang araw na pagbubuga ng abo at gas, isang nakapangingilabot at mapaminsalang pagsabog ng Pinatubo ang natunghayan ng bansa na kalaunan ay tinawag na “second-largest volcanic eruption on Earth in this century.”
Naglabas ang matinding pagsabog ng higit 5 kubiko kilometro ng materyal. Binalot ng abo ng bulkan ang probinsiya ng Pampanga. Pinalala pa ang sitwasyon ng bagyo na nagdulot ng mapaminsalang lahar. Humalo rin ang tubig sa bumabagsak na mga abo, na lumikha ng tila sementong bagay, na tumabon sa mga bahay at gusali sa bigat. Nakalulungkot masilayan ang mga bahay, simbahan at gusali na gumuho at nalibing sa lahar.
Ngunit tanging ang nakapangingilabot na pinsala ang ating naaalala mula sa Pinatubo. Nagawang makumbinsi ng mga opisyal ng Phivolcs at iba pang dayuhang eksperto ang mga opisyal na ilikas ang higit 65,000 tao. Sa kasalukuyan, ang kabayanihang ito ay kinikilala bilang isa sa pinakamatagumpay na hazard mitigation efforts para sa isang malaking pagsabog ng bulkan.
Naging pahirapan ang paglilikas ng mga tao. Natatandaan ko sa mga nabasang balita noon na nahirapan ang mga grupo – na ipinadala upang abisuhan ang mga tao na upang lumikas –na kumbinsihin ang mga tao na ang Pinatubo—na natutulog sa nakalipas na 500 taon—sa katunayan ay isang bulkan.
Sa kabila nito, nagsikap ang mga opisyal at nagdaos pa ng mga sesyon sa mga lokal na lider upang ipaliwanag ang panganib na dala nito at sagutin ang kanilang mga katanungan. Nagpakita pa sila ng mga video ng pinsala dulot ng iba pang pagputok ng bulkan. Mauunawaang wala pang social media sa panahong iyon. Tanging ang ulat lamang ng mga siyentista mula sa Phivolcs at U.S. Geological Survey ang nakatulong upang mailikas ang mga taong naninirahan sa bulkan sa mas ligtas na lugar, na nakapagsalba ng nasa 5,000 hanggang 20,000 buhay.
Umaasa akong ang naging karanasan natin sa pagputok ng Mt. Pinatubo ay magbibigay daan sa atin na matutunan ang lahat ng termino para sa preemptive evacuations at kung paano mababawasan ang pinsala. Umaasa akong susundin ng mga tao ang abiso ng mga awtoridad sa paharap natin sa panibagong banta ng bayolenteng pagsabog ng Taal. Mahalagang tandaan na bagamat mahalaga ang mga materyal na ari-ariang nais nating bantayan, mas mahalaga ang ating buhay. Maaari pa rin nating makuha ang mga bagay na nawala sa atin, ngunit isa lamang ang iyong buhay.
Minsan, mahirap isipin na ang isang napakagandang likha ng kalikasan ay maaaring magdulot ng pagkawasak. Maging ang mga kuhang larawan sa pagputok ng Taal ay kahanga-hanga at maganda. Ngunit sa likod ng ganda nito ay ang panganib ng pagsabog. Irespeto natin ang kapangyarihan ng kalikasan at lumayo sa galit nito. Manatiling ligtas.
-Manny Villar