KAPWA determinado at mainit ang opensa ng magkabilang kampo. Ngunit, nakabwelta ang Ginebra Kings sa depensa.
Binantayan ni import Justin Brownlee sa kabuuan ng laro ang karibal na Allen Durham, sapat para makuha ng Kings ang 92-84 panalo at ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven title series para sa PBA Governor’s Cup nitong Linggo sa Araneta Coliseum.
Kaagad na nakabalikwas ang Gin Kings mula sa nauna nilang 102-104 kabiguan sa Bolts para kunin ang krusyal na bentahe.
“Iit’s a collective team effort talaga. I give credit to my teammates kasi lahat sila nag-step up sa defense and offense,” pahayag ni Japeth Aguilar, nanguna sa Ginebra sa naiskor na 23 puntos, 7 blocks at 5 rebounds.
Mula sa 19-7 abante sa kaagahan ng first period, mas nakalamang ang Ginebra nang magtamo ng injury si Meralco center Raymond Almazan.
Naagaw ng Bolts ang 42-40 abante papunta sa halftime sa likod ng 20 points ni Chris Newsome bago nagpakawala ang Gin Kings ng 15-2 atake para ilista ang 12-point lead, 57-45, sa unang apat na minuto ng third quarter.
Mas ibinaon ng Ginebra ang Meralco sa 78-55 mula sa one-hander ni 7-foot-1 Greg Slaughter sa huling 22 segundo ng ng nasabing yugto.
Nagawa naman ng Bolts, yumukod sa Gin Kings sa Game One, 87-91, noong Mates, na makalapit sa 82-87 mula sa pagbandera nina Newsome at Durham sa huling 2:04 minuto ng final canto.
Ngunit, naging handa si LA Tenorio at Aguilar para tuluyang ilayo ang Ginebra sa 92-84, may 31 segundo sa laro.
-Marivic Awitan