TUWING ginigimbal tayo ng iba’t ibang kalamidad -- tulad nga ng pagputok ng bulkang taal kamakalawa -- gumigiit sa aking utak ang katanungan: Ito kaya ay bunsod ng kalupitan ng kalikasan? O ito ay kalupitan ng sangkatauhan sa kalikasan?
Kasabay nito, gumigiit din sa aking isip ang sinasabing ‘second coming’ o pangalawang pagdating ng Diyos upang sagipin ang sangkatauhan sa mga kapahamakan -- sa iba’t ibang kasamaan at digmaan ng mga bansa na humahantong sa kahindik-hindik na patayan. Aaminin ko na salat ang aking pang-unawa sa pagpapaliwanag ng iba’t ibang sekta ng pananampalataya.
Hanggang sa mga oras na ito, patuloy pa ring nagbubunga ng maitim na usok ang makalapal na ‘magma’ o abo ang sumabog na bulkang Taal. Katunayan, ang pinong abo na mistulang buhangin ay ipinadpad ng hangin sa Metro Manila at sa iba pang kalapit na mga lalawigan sa Luzon.
Sa mismong paligid ng bayan ng Taal, nagpuputik ang mga kalsada dahil sa abo na ibinubuga ng bulkan. Dahil dito, halos sapilitang inilikas ang ating mga kababayan sa iba’t ibang evacuation centers na nakalulugod mabatid na kinakalinga naman ng pamunuan ng naturang mga local government units (LGUs) -- at ng iba’t ibang ahensiyang pangkawanggawa ng pamahalaan; naroroon pa rin ang matinding pangamba ng ating mga kapatid dahil sa walang patlang na paglindol at pagkidlat sa bulkan.
Magugunita na gayon din ang mga eksenang nasaksihan nang yanigin naman ng malakas na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao -- sa Cotabato at Davao. Hanggang ngayon, hindi pa rin napapawi ang matinding pag-aalala ng ating mga kababayan, lalo na ng mga nawalan ng bahay at napinsalang mga ari-arian.
Pati ang ating mga kababayan na sinalanta naman ng magkasunod na bagyo -- Tisoy at Ursula. Maraming bahay ang mistulang pinadapa ng nabanggit na mga kalamidad -- bukod pa sa milyun-milyong pisong halaga ng napinsalang mga pananim at iba pang agricultural products. Mabuti na lamang at naging maagap ang Department of Agriculture (DA) sa pagsaklolo sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga binhi na kailangan upang maihanol sa planting season.
Sa harap ng gayong magkakasunod na kalamidad, naniniwala ako na walang dapat sisihin sa pananalasa ng mga ito. Hindi ba ito ang tinatawag na force majeure? Ang paglaban sa kalikasan ay taimtim na panalangin na dapat usalin ng sinuman, maliban na lamang matahil sa tinatawag na mga Atheist -- kapatid natin na hindi naniniwala na may Diyos.
-Celo Lagmay