HINDI dapat ipagwalang-bahala ang nakakikilabot na pangamba ni Pangulong Duterte kaugnay ng posibleng pagsiklab ng tensiyon (huwag sanang mangyari) sa Middle East. Sa aking pagkakaalam, ang pahiwatig na may kaakibat na agam-agam ay bunsod ng sinasabing hidwaan ng Iran at United States nang maganap ang pambobomba o airstrike sa Baghdad, Iraq na ikinamatay ng top general na si Qassem Soleimani noong nakaraang linggo.
Natitiyak ko na ang kaba o pangamba ng Pangulo ay nadarama rin ng ating mga kababayan, lalo na ng katulad nating may mga kamag-anak sa Middle East. Sa Iran lamang, halimbawa, ay may 1,600 Overseas Filipino Workers (OFWs) at 6,000 naman sa Iraq. Dapat lamang pangalagaan ang kanilang seguridad, kabilang na ang libu-libo pang kababayan natin sa iba’t ibang panig ng Middle East.
Dapat lamang asahan ang pagiging maagap ng Pangulo sa pagtawag ng emergency cluster meeting ng iba’t ibang security agencies ng gobyerno na bumuo naman ng mga hakbang na pangkagipitan, tulad ng pagpapauwi o repatriation ng ating mga kababayan. Dapat lamang ang gayong pangangalaga sa kanilang kaligtasan hindi lamang dahil sa katotohanan na sila ay gumaganap ng makabuluhang misyon sa pagpapaangat ng ating ekonomiya kundi lalo na sa pagpawi naman ng pangamba at agam-agam ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Dahil marahil sa posibleng paghihigantihan ng Iran at US na pinangangambahang humantong sa pagsiklab ng digmaan, inatasan ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ihanda ang ating air and naval assets para sa pagpapauwi ng ating mga OFW; kaakibat ito ng pangangalaga sa kanilang kaligtasan.
Totoo na may pagkakataon na ang ating mga OFW ay hindi mapipilit na umuwi kahit nasa bingit ng panganib ang kanilang buhay. Tila hindi nila alintana ang gayong nakakikilabot na situwasyon sapagkat ang naghahari sa kanilang isipan marahil ay kabuhayan ng kanilang mga mahal sa buhay; susuungin nila ang anumang panganib alang-alang sa kanilang mga mahal sa buhay.
Hindi ito dapat maging hadlang sa matinding hangarin ng Pangulo na tumawag ng isang special session ng Kongreso; sa lalong madaling panahon marapat na ang ating mga mambabatas ay magpatibay ng batas na maglalaan ng sapat na pondo para sa ating mga bayaning manggagawa.
Kailangang mapawi ang nakakikilabot na pangamba hindi lamang ng Pangulo kundi ng sambayanang Pilipino.
-Celo Lagmay