MAGANDA ang pasok ng 2020 kay Kyline Alcantara dahil may dalawang shows siya sa GMA-7. Sing and dance siya sa All-Out Sundays at aarte siya sa Afternoon Prime ng network na Bilangin ang Bituin. Hindi pa nagti-taping si Kyline, kaya wala pa siyang maikuwento how is it working with Nora Aunor.
“Sa storycon ko pa lang nakita si Ms. Nora at sa elevator at tuwang-tuwa ako na nakasama ko siya sa elevator. Binati ko siya at sabi ni Ms. Nora, “ikaw pala si Kyline” at may isa siyang sinabi na kinilig ako. Sabi kasi niya, maganda raw ang mga mata ko. Hindi ba, nakakakilig?,” sabi ni Kyline.
Nakuwento rin ni Kyline na sinabihan siyang ‘wag titingin sa mga mata ni Nora ‘pag may eksena sila dahil mawawala siya. Nagbiro si Kyline na sana, hindi niya makalimutan ang paalala sa kanya.
Sa story ng Bilangin ang Bituin, lola ni Kyline si Nora, mother niya si Mylene Dizon at ama niya si Zoren Legaspi. Si Yasser Marta ang love interest niya at nagugustuhan niyang binibigyan siya ng iba’t ibang kapareha ng network.
Sa All-Out Sundays naman, mukhang si Miguel Tanfelix ang ipinapareha kay Kyline dahil may dance number silang nagustuhan ng studio audience, batay sa sigawan ng mga tao sa studio.
Na-bash at naging controversial sina Kyline at Miguel nang magkasama sa Kambal
Karibal, okay ba sa kanyang pagtambalin uli sila at ma-bash uli siya?
“Ang alam ko, walang love team sa All-Out Sundays at ‘yung dance number namin ni Miguel, hindi every Sunday ‘yun. Baka sa next Sunday, iba naman ang makakasama ko, pero kung gawin kaming love team sa show, walang problema. Kahit naman sino ang ipareha sa akin, tatanggapin ko,”sagot ni Kyline.
Masaya ang performers ng All-Out Sundays nang makausap namin after the show, mas matutuwa sila dahil batay sa rating, nanalo ang pilot episode ng musikomedya. Nakakuha sila ng 6.1 percent rating, four percent higher sa katapat na show.
-NITZ MIRALLES