NAGDAAN ang pagsalubong sa Bagong Taon at iba pang masasayang holiday sa bansa sa katatapos na buwan ng Disyembre, kaya’t tila wala man lang nakaalala sa isang kahindik-hindik na pangyayari sa bansa 20 taon na ang nakararaan, na sa aking palagay ay todong ipinagdarasal ng mga beterano at aktibong miyembro pa rin ng bomb squad ng pulis at militar, na harinawang ‘di na mangyaring muli.
Ang tinutukoy ko’y ang mga naganap pagsabog sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila noong Disyembre 30, 2000 na binansagang Rizal Day Bombing– national holiday kasi bilang pag-alaala sa pagiging martir ni Gat Jose P. Rizal sa Luneta -- na kumitil ng 22 sibilyan at mahigit sa 100 katao pa ang nasugatan.
Ang mga pagsabog na nakalusot sa matinding monitoring ng intelligence community ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ay magkakasunod na naganap sa pagitan lamang ng maiikling oras na nagpataranta sa mga pulis at militar dito sa Metro Manila.
Bakit nga ba ‘di matataranta ang mga pulis at militar, eh naganap ang matinding mga pagsabog sa gitna ng paghahanda ng mga Pilipino sa pagsalubong sa Bagong Taon, panahon na ang mga pangunahing lugar sa bansa ay namumutiktik sa mga kababayan natin, na may mga kasama pang balikbayan at ilang turista, sa kanilang pagsasaya.
Ang mga malalakas na pagsabog ay naganap sa Plaza Ferguson, Ermita, Maynila; sa isang gas station sa Makati, sa isang bus na bumibiyahe sa EDSA sa Quezon City, sa cargo terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City at LRT station sa Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.
Ang nagpataranta ng todo sa mga pulis, lalo na sa bomb squad ng Manila Police Department (MPD), ay ang sumabog sa Plaza Ferguson na halos 100 metro lamang ang layo sa United States Embassy. Agad na isinara ang mga pangunahing kalsada sa buong paligid ng US Embassy upang mapangalagaan ang seguridad nito.
Halos ilang minuto lamang ay sumabog naman ang bomba sa gasolinahan sa EDSA sa lugar ng Makati – ‘di kalayuan sa Dusit Hotel sa financial district ng Makati – dalawang pulis sa Makati ang namatay sa pagsabog na ito.
‘Di rin nakaligtas ang NAIA sa terroristic act na ito sa natagpuang bomba sa may cargo area.
Isang pasahero naman ng bus ang namatay at maraming iba pa ang nasugatan, sa pagsabog na naganap sa loob sasakyan habang tumatakbo ito sa EDSA patungong Cubao, Quezon City.
Ang pinakamatindi sa lahat ng pagsabog sa araw na iyon ay ang naganap sa loob ng isang LRT train na katatapos lamang magsakay at magbaba ng pasahero sa may Blumentritt Station sa Sta. Cruz, Maynila kung saan karamihan sa mga biktima ay dito namatay.
Ayon sa mga nakakuwentuhan kong bomb expert na nag-imbestiga sa magkakasunod na pagsabog, ang pinakamatinding bomba ay ang sumabog sa LRT train na binuo mula sa may isang kilong “black-powder” na nakakabit sa isang timing device.
Matapos ang tatlong taon, nagka-breakthrough sa imbestigasyon nang maaresto si Saifullah Yunos (a.k.a. Mukhlis Yunos), isang ekspertong bomb maker na papunta sa isang ospital upang ipagamot ang mga sugat nito sa mukha na hindi niya maipaliwanag sa mga doktor kung paano niya nakuha.
Nasundan ito ng iba pang pag-aresto sa mga bomb expert na kinabibilangan nina Mamasao Naga (a.k.a. Zainal Paks) at Abdul Pata (a.k.a. Mohamad Amir), matapos silang inguso ng una nang naarestong si Fathur Rahman Al-Ghozi, na lumilitaw na siyang utak ng LRT-1 train bombing. Pawang mga miyembro sila ng teroristang grupong Jemaah Islamiya.
Ang ganitong mga pangyayari ay ‘di natin binabalikan upang pasakitan ang ating mga damdamin, bagkus upang alalahanin ang mga kababayan nating nagbuwis ng buhay upang pangalagaan ang katahimikan sa ating kapaligiran.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.