KASABAY ng pangangalaga sa buhay at ari-arian ng ating mga kababayan laban sa walang puknat na pagpapasabog ng mga paputok, marapat din nating bigyan ng proteksiyon ang ating mga alagang aso at pusa at iba pang hayop laban naman sa ingay kaugnay ng paggunita natin sa Bagong Taon. Ang walang habas na pagpapasabog ng mga rebentador, lalo na ang ipinagbabawal na mga paputok ay nagdudulot ng matinding pagkabalisa sa tinatawag na living creatures.
Nakapanlulumo nga lamang mabatid na sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa pagpapaputok, kabilang na ang pagsisindi ng mga fireworks, hindi pa rin ganap na mapagbawalan ang ating mga kababayan sa gayong mapanganib na kaugalian. Lagi nilang iminamatuwid na ang pagsisindi at pagpapasabog ng mga firecrackers ay bahagi na ng mayaman kultura ng mga Pilipino.
Isipin na lamang na kung anu-ano nang estratehiya ang isinulong ng Department of Health (DoH), nababawasan lamang at hindi lubos na nasusugpo ang walang patumanggang pagpapaputok; isipin na lahat halos yata ng pananakot sa matitigas ang ulo nating mga kababayan -- kabilang na ang pagpapakita ng matatalas at malalaking kagamitan o surgical instrument -- hindi man lamang natitigatig ang ating mga kababayan. Dahil dito, sikapin na lamang nating pag-ibayuhin ang pag-iingat sa selebrasyon ng pagbabago ng taon.
Kaakibat naman ito ng paglalatag natin ng mga tagubilin para naman sa proteksiyon ng ating mga alagang aso at pusa, bilang bahagi naman ng panawagan ng ating mga kababayang puspusang nangangalaga sa kapaligiran. Kabilang dito ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS), Ecowaste Coalition; maaaring kabilang din dito ang Society for the Prevention of Cruelty to Animals (SPCA) na may misyon ding mangalaga sa mga hayop. Masyadong matindi ang pandinig o hearing organ ng mga aso at pusa, dahilan upang sila ay madaling mabulahaw at mabalisa sa bahagyang kaluskos, lalo kung malakas ang mga paputok.
Dahil dito, marapat lamang sundin ang nabanggit na mga tagubilin na tulad ng pagbabawal sa ating mga kapitbahay at kasambahay sa pagsindi at pagpapasabog ng mga firework at firecrackers. Kabilang din dito ang malakas na pagpapatugtog ng radyo, telebisyon upang lunurin ang nakatutulig na paputok ng mga rebentador. Marami pang mga tagubilin na dapat nating isaalang-alang upang maiwasan ang matinding pagkabalisa at distress ng ating mga alagang hayop.
Marapat nating itanim sa puso at isipan na ang ating mga aso at pusa ay may karapatan ding mabigyan ng katahimikan laban sa walang pakundangang paggunita sa Bagong Taon.
-Celo Lagmay