NAKAWIWINDANG talaga ang balita na pumayag na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pumirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa China-owned telecommunication company na magiging “third telco” sa bansa, upang makapagtayo ito ng cell towers sa paligid at loob ng ating mga kampo sa buong kapuluan.
Para sa akin ay napakalaking “blunder” o kahibangan ito dahil para na ring diretsahang inihain ng AFP sa Chinese military ang lahat ng “classified information” na pinakatagu-tago nito para sa seguridad ng ating bansa – lalo pa’t alam sa buong mundo kung gaano kaaktibo at kalawak ang “espionage activities” ng China.
Isa sa mga diretsahang tumutuligsa sa mga pagkilos na ito ng China, kaugnay nang malawakang “espionage activities” nito, ay si dating Bayan Muna representative Neri Colmenares na binansagan itong: “Chinese creeping control over telecoms and power assets in the Philippines.”
Sinabi niColmenares na mali ang naging desisyon ng pamahalaan na ibigay sa Dito Telecommunity ang pagiging “third telecoms player” dahil ang may-ari ng kumpaniyang ito ay ang pamahalaan ng China mismo. Aniya: “Given the maritime dispute with China, it is absurd for the Philippines to give it control of our telecommunications system.”
Maging ang pakikipag-MOA ng AFP sa China-controlled Dito telecom, na pagtatayo ng mga cell tower sa mga kampo ay tinuligsa rin ni Colmenares at sinabing: “It will make the Philippine military vulnerable to Chinese hacking and espionage.”
Nagpakita rin nang matinding pagkabahala ang dating Congressman sa pagiging co-owner ng China sa national grid dahil sa maaaring maging target ito ng mga cyber-attacks. Aniya: “They (Chinese company) admitted in their annual report, its [system is] vulnerable to cyber-attacks.”
Dagdag pa niya: “Even if they say it’s immune to cyber-attacks, China has proven, and many hackers have proven actually, that anything can be hacked now. Don’t tell us that our grid is safe from China when in fact it’s the largest stockholder in that company.”
Sa pagkakaintindi ko, ang mga cell site tower na ito ay hindi basta-basta tower lamang, bagkus ito ay p’wede ring gawing opisina na gaya ng tinatawag na BTS o Base Transceiver Station, na maaaring puwestuhan ng mga genius na “system hackers” na makikialam sa mga pagpapalitan ng communication sa naturang tower.
Ang masamang epekto ay ang tinatawag na MITM attacks (Man-In-The Middle) o sa simpleng paliwanang, ay ang pakikialam ng isang operator (hacker) sa naturang BTS ng tower, sa mga nagaganap na communication sa naturang lugar. Maaari kasi itong manghimasok sa usapan at diktahan ang mga nag-uusap ng tono na gusto niyang palabasin. Sa ganitong sitwasyon, aakalain ng mga nag-uusap na sila pa rin ang magkakausap, subalit ‘di man lang nila namamalayan na may nagdidikta na pala sa kanila na mga “hackers”.
Sa totoo lang, ang nakikita kong todong maapektuhan ng proyektong ito ng Mislatel sa mga kampo ng militar at pulis sa buong bansa, ay ang mismong milyong kababayan natin na nakatira sa paligid ng naturang mga kampo. Yun lang, karamihan naman sa mga kababayan natin, lalo na ‘yung mga nasa malayong lalawigan, walang pakialam kung may nakikinig man o bumabasa ng mga personal na mensahe sa kanilang mga cell phone – eh baka nga wala rin silang cell phone eh – kaya wala silang ibang kinatatakutan sa buhay, kundi ang mawalan nang pantawid-gutom sa araw-araw.
Naitanong ko sa isang mataas na opisyal sa PNP ang posibleng maging panganib nito sa seguridad ng bansa, at ito ang walang kagatul-gatol na tugon niya: “Ikaw naman, masyado ka lang bias sa mga Chinese, eh ‘di lang naman sila ang nag-i-ispiya sa atin, lahat naman ng bansa na ‘yan iniispiyahan tayo. Bakit ba ang Chinese lang ang palaging nakikita ninyo?”
Bigla kong naisip – malaki ang tama nitong si General sa kanyang sagot!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E