MARAMING dekada na ang nakalilipas nang aking unang marinig ang programang kaunlaran sa kabukiran -- simula noong sinaunang administrasyon na kinabibilangan ng Marcos regime hanggang sa kasalukuyang pangasiwaan. Lahat na halos ng estratehiya ay pinausad sa adhikaing maisulong ang agrikultura at pangisdaan tungo sa pagkakaroon ng sapat na pagkain.
Noong administrasyon ni President Marcos, halimbawa isa sa mga naging food center ang tinatawag na Kadiwa na pamilihan ng pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan; mabibili doon sa murang halaga ang bigas, gulay, isda at iba pa na inaani ng ating mga magsasaka. Ang ganitong mistulang imbakan ng produkto ay matatagpuan sa mga sentro ng komunidad sa buong kapuluan.
Kaakibat ito ng paglulunsad ng iba pang programang pang-agrikultura na tulad ng Green Revolution na kinapapalooban naman ng pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay at pananim sa mga bakanteng lote na pag-aari ng pamahalaan. Halos kasabay nito ang implementasyon ng Margate system at Masagana 99 na naglalayong magkaroon ng sapat na aning palay. Bilang isa sa mga nakasaksi sa pagpapatupad ng naturang mga sistema ng pagsasaka, naniniwala ako na ang mga iyon ang maituturing na susi sa pagiging rice exporting country ng Pilipinas -- mula sa pagiging rice importing country nito.
Ang nabanggit na mga estratehiya na kaugnay ng pagpapaunlad ng kabukiran -- at ng agrikultura -- ay pinaniniwalaan kong kahawig ng mga pagpupunyagi na pinaiigting ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA). Pangunahin sa kanyang mga adhikain ang pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda. Sa pamamagitan ng pamamatnubay at pagbibigay ng ayuda ng naturang kagawaran, hindi malayo na sila ay magiging food exporter na rin ng kani-kanilang mga produkto.
Hindi maiiwasang isipin na si Secretary Dar ay mahihirapan sa implementasyon ng kanyang mga estratehiya at programa. Isipin na lamang na sa pagsisimula pa lamang ng kanyang panunungkulan hanggang ngayon na ang kanyang nombramyento ay pinagtibay na ng Commission on Appointment (CA), nahaharap pa rin siya sa katakut-takot na pagsubok. Kabilang dito ang kontrobersyal na Rice Tariffication Law, African Swine Fever at iba pa.
Sa kabutihang-palad, nalampasan niya ang mga ito -- sa pamamagitan ng kooperasyon ng kanyang departamento at ng mismong mga mamamayan.
Sa kabila ng mga ito, naniniwala ako na ang mga magbubukid at mangingisda at iba pang sektor ng agrikutlura ay masasayaran ng mga tulong na kailangan sa pagpapaunlad ng kabukiran tungo sa pagkakaroon ng sapat na pagkain.
-Celo Lagmay