MATAGAL nang pinagtatalunan kung sino ba talaga ang “hari ng kalsada” rito sa Pilipinas subalit magpahanggang sa ngayon, para sa akin ay malabo pa rin ang mga naging kasagutan, at ang totoo pa nga ay may bago na namang yatang sasakyan na pumoporma para mailuklok sa tronong ito.
Balikan natin ang nakaraan sa ating mga pangunahing lansangan at isa-isahin ang mga sasakyan – gaya ng karetela, dyipni, bus, taksi, grab at pedicab -- na halinhinang binansagan na mga “hari ng kalsada” depende sa panahon na ang mga ito ang inaasahan na pangunahing transportasyon sa bansa.
Inabutan ko ang panahong ito na mga karetela ang “in-demand” na sasakyan sa mga pangunahing kalye patungo sa mga tinatawag na “financial district” sa mga siyudad sa Kalakhang Maynila.
‘Di magpapatalo noong dekada 50 hanggang 60 ang mga karetela sa mga makabagong sasakyan – kotse at owner-type jeep – lalo pa’t ang pakay na puntahan ng isang grupo ay sa Escolta, ang pinaka-class na lugar sa Maynila.
Bago pumasok ang dekada 70, namayagpag naman ang mga pampasaherong dyipni sa mga lansangan, pangunahin dito ‘yung kung tawagin ay Auto-Calesa (AC) – maliit na dyipni na tatluhan ang sakay sa magkabilang panig na upuan sa likuran ng sasakyan, na di nagtagal ay naging apatan hanggang animan. Sa ngayon mahina ang sampuan sa mga naglipanang dyipni sa buong Metro Manila.
Nang makapasok naman sa mga pangunahing kalsada ang mga bus na hindi pa noon mga air-conditioned, malaking porsiyento ng mga pasahero ang naengganyo na mag-bus na lamang.
Dito na sumikip ang daloy ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, kaya nilimitahan na lamang ang mga lugar na maaaring daanan ng mga bus.
Namatay ang mga linya ng bus na nakapapasok sa mga secondary road sa Metro Manila, kaya unti-unting namayani naman ang taksi, mga pedicab at tricycle sa mga maliliit na kalsada.
Ang talagang namayagpag naman na means of transportation sa Metro Manila na buong siglang tinangkilik ng mga mamamayan ay ang Light Rail Transil (LRT) na inilunsad noong Hulyo 12, 1980. Nasundan ito ng Metro Rail Transil (MRT) na bumagtas sa buong g EDSA at ang pinakahuli ay ang mula Recto – Avenida patungong Marikina.
Magandang simula – na sinira ng mga mapagsamantalang opisyal na nagpatakbo sa proyekto. Kaya’t sa halip na naragdagan, unti-unti naubos ang mga tren dahil sa kapabayaan – “poor maintenance” na pilit pinagka-kuwartahan ng mga ganid na opisyal!
Ang mga umaasa sa MRT at LRT na mga pasaherong hindi na ma-accommodate ng unti-unting “naubos” na tren, ay napilitang bumaba ng mga terminal at naghanap ng bagong masasakyan nila – pasok naman dito ang mga kolorum na AUV, mga nabatos na driver ng Grab, at mga rider ng motorsiklo, na kilala sa tawag na “Angkas”.
Ang “Angkas” ay agad na tinangkilik ng mga pasahero na wala namang ibang masakyan, na mabilis na makapaghahatid sa kanilang mga patutunguhan. Ngunit ngayo’y namimiligro na rin itong mabawasan sa kalsada dahil sa “pagbibigay” sa isa na namang transport system – at tatawagin itong “motor taxi” para sa bayan!
Sa buong panahon nang pagpapalit-palit ng mga itinuring na “hari ng kalsada”, may isa na para sa akin ay siyang may hawak ng koronang ito -- dahil hinihintuan ito upang paraanin, ‘di pwedeng banggain dahil siguradong may paglalagyang hukay ang lalaban, at sa mahabang silbato pa lang nito, lahat ay napahihinto.
Ito ay walang iba kundi ang mga makasaysayang tren ng Philippine National Railways o kilala namin noon sa tawag na “PNR train”.
Nakapagtatakang habang sa ibang karatig bansa ay napakasigla ng “train transport system” dito sa atin ay pinabayaan na lang itong mabulok. Pag-usapan nating muli ito sasusunod kong kolum.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.