ANUMAN ang sabihin ng sinuman, ang hatol sa mga utak at salarin sa karumal-dumal na Maguindanao massacre ay isang simbulo ng katarungan na isang dekadang kinainipan ng ating 58 kababayan na buong kalupitang pinaslang noong Nov. 23, 2009. Sila, kabilang ang ating 32 kapatid sa pamamahayag, ay sama-samang inilibing sa isang malalim na hukay sa isang liblib na lugar sa naturang lalawigan.
Dahil sa nasabing desisyon sa tinaguriang ‘crime of the century’ na maingat at masusing nilitis ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC Regional Trial Court, naniniwala ako na naibsan ang bigat sa dibdib ng mga naulila; at ang mga biktima ng kakila-kilabot na krimen, lalo na ang ating mga kapatid sa media, ay inaakala kong hindi na magbibiling-baligtad sa kanilang mga libingan. Mistulang hinango sila sa gayong kalunus-lunos na kalagayan sa pamamagitan ng talino at tapang ng kapuri-puring lady judge.
Hindi ko ikinabigla, gayunman na sa kabila ng guilty verdict sa malagim na krimen, lumutang ang mga pananaw ng ilang sektor ng ating mga kababayan: Partial victory. Ibig sabhin, tila may hinahanap pa silang mga kampon ng kasamaan na dapat managot sa mga biktima ng madugong masaker; na hindi ito nangangahulugan na may pagdududa sa naturang hatol na pinaniniwalaan kong ibinatay sa mga ebidensiya.
Kapani-paniwala na partial victory o hindi pa ganap ang tagumpay ng massacre victims sapagkat, tulad ng binibigyang-diin ng ilan nating mga kababayan, ang mga hinatulan ay maaari pang umapela sa Court of Appeals (CA) hanggang sa Supreme Court (SC). Ang gayong proceso ay maaaring tumagal at magdulot ng panibagong pagkainip at pagdurusa sa mga mahal sa buhay ng mga minasaker.
Totoong hindi pa tapos ang laban, wika nga. Halimbawa, kailangan pang tugisin at papanagutin sa batas ang 80 iba pang akusado sa Maguindanao massacre. Sinasabing ang mga ito ay kinabibilangan ng mga alagad ng batas, ilang rebelde at mga kaalyado ng makapangyarihang Ampatuan clan. Pati ang mga pinawalang-sala ay sasampahan ng panibagong asunto sa paniwala umano na sila ay kasabwat sa masaker.
Bagamat sinasabing hindi pa tapos ang laban, nasaksihan natin ang paggulong ng katarungan sa nabanggit na krimen. Sana, ganito rin ang maganap sa iba pang mga asunto na umano’y tinitimbang pa sa mga hukuman.
-Celo Lagmay