MAY programa pala ang Social Security System (SSS) na kung tawagin ay enhanced Pension Loan Program (PLP) na kapag nalaman ng mga pensioner nito ay siguradong magpapahina o papatay sa negosyong “sanglaan” ng ATM card ng mga retiradong miyembro.
Ang tinutukoy kong “sanglaan” ng ATM card ay ang paboritong takbuhan ng mga pensioner upang mangutang ng pera, na ang gamit nilang prenda o collateral ay ang ATM na pinapasukan ng kanilang buwanang pension.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio: “The enhanced guidelines on PLP which is pursuant to Social Security Commission (SSC) Resolution No. 429-s.2019 aimed to provide adequate financial assistance to qualified retiree pensioners.”
Halos limang taon na rin akong pensiyonado ng SSS – kahit napakaliit kumpara sa nakukubra buwan-buwan ng mga graduate ng Government Service Insurance system (GSIS) – malaking bagay na rin ito na pandagdag sa buwanang gamit-pantawid gastos ng isang senior citizen na katulad ko.
Kaya’t alam ko na may mga ‘di inaasahang pagkakataon na nangangailangan ng biglaang malaking cash ang mga retirado – ngunit karamihan sa mga ito ay nahihiyang mangalabit sa kanilang mga anak, marahil dahil sa mataas ang pride -- upang matugunan ang mga biglaang pangangailangan.
Sa ganitong mga pagkakataon, karamihan sa mga pensioner, ang pinagbabalingan ay ang mga “financing institution” o mas kilala bilang “sanglaan” ng ATM ng mga pensiyonado.
Nai-engganyo ang mga pensioner na pumatol sa “sanglaan” ng ATM card dahil sa mabilis na transaksyon ng pag-utang sa mga establisimentong ito – kaya ika nga ay kahit kapit sa patalim – na bukod sa napakataas ng interest, na abot yata sa 24 percent per annum, depende pa sa haba ng panahon na babayaran ang utang, patuloy itong takbuhan ng mga pensioner mula SSS at GSIS.
Ang masama lang na nakikita ko rito, ang unang pagsasangla ng ATM ay hahantong sa tuluy-tuloy na pagkabaon sa utang ng pensiyonado, dahil hindi pa man natatapos ang buong utang – kapag halos bayad na ang kalahati nito – ay mapipilitan na naman itong mag-renew, kaya habang panahon o hanggang humihinga pa ang pensiyonado, nakatali na ang kanyang ATM sa inutangan ng pera.
At dito timely na pumapasok ang pakulo ng SSS – na ayon sa nakausap kong taga-media affairs ng SSS –ay halos isang taon na rin palang nailunsad ang programang ito -- na kung tawagin ay “Enhanced SSS Pension Loan Program”.
Ang specific na layunin ng programa ay upang maalalayan ang mga nagigipit na pensioner na ‘wag matali sa napakataas na interest sa mga “sanglaan” ng ATM card nila.
Ayon sa SSS media affairs, ang pensioner na may aktibong account, na may 85 taong gulang sa pagtatapos ng kanyang inutang, ay maaaring makahiram ng aabot sa P200, 000 – depende sa kakayaninna bayaran ng kanyang buwanang pension –na huhulugan nito mula isang taon hanggang tatlong taon.
Kailangan din na walang ibinabawas na mga utang sa monthly pension nito at walang paunang natanggap na benipisyo mula sa “SSS Calamity Package”.
Ang maganda sa proyektong ito ng SSS ay ang mga sumusunod: walang ATM card collateral, walang advanced interest, walang processing fee, mababang interest rate na abot lang sa 0.83 percent kada buwan, no hidden charges, garantisadong bayad na agad sa ‘di inaasahang pagkamatay ng nangutang na pensioner.
Kapaki-pakinabang at makatao talaga ang proyektong ito ng SSS –nguni’t para sa akin mas magaan pa rin sa pakiramdam na isapuso ang matandang kasabihan na: “Habang maigsi ang kumot, matutong mamaluktot!”
Pahabol na paalala naman sa mga anak (millenials) ng mga pensioner – mahiyain ang karamihan sa inyong mga magulang kaya’t talasan ang inyong pakiramdam sa pangangailangan ng mga ito, lalo na sa mga simpleng bagay na magpapasaya at ikaliligaya ng kanilang mga puso!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.