NOON pa mang unang inilunsad ang Binhi Awards, maraming dekada na ang nakalilipas, nalantad na ang mistulang pagiging magkakambal ng agrikultura at ng ating propesyon -- ang pamamahayag. Nangangahulugan na makatuturan ang misyon ng media sa pagpapalaganap ng mga aktibidad ng pagsasaka, lalo na ngayon na ang ating mga kababayang magbubukid ay ginigiyagis ng mga problema na kaakibat ng pagbagsak ng kanilang inaaning palay dahil sa halos sunud-sunod na pagdaluyong ng iba’t ibang kalamidad -- bagyo, baha at lindol.
Ang Binhi Awards ay magugunitang unang inilunsad ng Philippine Agricultural Journalists, Inc. (PAJ) noong 1978 nang ang pagkakaloob ng mga parangal ay sinaksihan mismo ng yumaong Presidente Marcos. Tahasan niyang binigyang-diin noon na marapat palaganapin at hikayatin ng mga agricultural journalist ang mga magbubukid upang pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsisikap -- sa pamamagitan ng mga ayuda ng gobyerno -- upang palakihin ang kanilang produksiyon ng palay, mais at iba pang pananim; sa pag-asa na ang Pilipinas ay magiging isang rice exporting (nagluluwas) country sa halip na isang rice importing (umaangkat) country -- na nagkatotoo naman noong kanyang kapanahunan.
Ang mga adhikaing ito ng dating Pangulo ang naging batayan ng ilang agri-media sa pagsulat ng mga artikulo tungkol sa agrikultura na inilahok nila sa Binhi Awards; na naging batayan naman marahil sa pagpili ng mga itinanghal na 1978 Agricultural Journalist of the Year. Pasensiya na sa bahagyang pagbubuhat ng sariling bangko, ang naturang karangalan ay napagwagian ng kolumnistang ito at ng kanyang co-winner na si Leo Deocadiz na ngayon ay isang Publisher/Editor ng isang peryodiko sa Hong Kong. Bahagi ng naturang gantimpala ang munting halaga at two-week observation tour sa Australia sa kagandahang loob ng Malacañang.
Nakatutuwang mabatid na gayon din halos ang adhikain naman ng kasalukuyang liderato ng Department of Agriculture (DA). Binigyang-diin din ni Secretary William Dar ang kahalagahan ng mga agri-journalist sa paghikayat naman ng mga kabataan na pumalaot sa tinatawag na urban agriculture. Ibig sabihin, ang ating mga kabataan na maaring nag-aatubili nang lumusong sa mga bukirin ay dapat mabigyan ng pagkakataong magnegosyo sa kalunsuran sa pamamagitan marahil ng pamamahagi ng mga agricultural crops at iba pang produkto mula sa bukid.
Sa gayong pagnenegosyo, ang mga kabataan ay pauutangin ng mula sa 250,00 piso hanggang 500,000 piso nang walang interes at maaaring bayaran sa loob ng mahabang panahon. Napag-alaman ko na umuusad na ang naturang sistema.
Sa implementasyon ng nabanggit na mga adhikain, naniniwala ako na totoong magkakambal ang media at agriculture.
-Celo Lagmay