BIHIRA sa mga kababayan natin sa ngayon ang hindi nakikiuso sa “online shopping” dahil mura na iwas trapik pa sa kalsada at mas nakatitipid pa sa dagdag gastos kapag naglalamiyerda sa mga naglalakihang malls.
At karamihan sa mga nagde-deliver nito sa mga bahay-bahay – na mga rider ng naglalakihang kumpaniya na gaya ng Ninja Express PH o NinjaVan at J&T Express – ay nagiging suki at kaibigan na nating mahilig sa “online shopping”.
Bilib na bilib na talaga sana ako sa sistemang ito dahil maraming kababayan natin ang nabibigyan ng hanapbuhay sa panahong ito na napakahirap maghanap ng trabaho at pagkakakitaan.
Ngunit ano itong tila nasilip ni Buhay Party List Rep. Lito Atienza na ang mga malalaking courier services na ito, na siya namang paboritong taga-deliver ng mga naglalakihang online company na gaya ng paborito kong Lazada at Shopee, ay nag-ooperate na walang lisensiya mula sa Department of Communication Information and Technology (DICT).
Sabi ni Rep Atienza, nakatakdang ipatawag sa Kongreso ang mga matataas na opisyal ng mga naglalakihang online store upang imbestigahan kung bakit tinatangkilik ng mga ito ang mga kolorum palang pangunahing online courier services sa buong bansa.
Nauna na kasing naghain ng isang House Resolution No. 481 si Rep Atienza upang imbestigahan sa Kamara ang pinararatangan niyang mga: “Freight and forwarding services operating in the country which have no license and are therefore unregulated.”
Nagulat din ako sa rebelasyong ito ni Rep Atienza, na ang NinjaVan, J&T Express and Entrego Philippines, na alam kong hindi mga pipitsuging online courier, ay mga wala palang lisensiya para mag-operate ng kanilang negosyo sa alin mang parte sa buong kapuluan.
Ani Atienza: “I thought before these companies are small fry but when I was told that they at least have 5,000 motor vehicles operating under their name, they are no longer small companies but big time colorum.”
Ito pa ang matindi rito – ang mga kumpaniya palang ito ay hindi pag-aari ng mga kababayan nating negosyante, bagkus ay mga “fully foreign-owned companies” na ayon kay Atienza ay labag sa ating konstitusyon.
Kinumpirma naman ito ni DICT Undersecretary Eliseo Rio na talaga palang ang mga malalaking online courier na ito ay ilegal na nag-ooperate: “Dahil walanglicense ang mga ito from the DICT since they are not among the companies that are listed in the list of accredited courier services in the DICT website.”
Ipinaliwanang pa ni Rio na nagbigay babala na ang DICT sa mga online merchant na tumatangkilik sa mga “unlicensed courier” na ito dahil sila rin ang magkakaproblema kapag nagkaaberya ang delivery ng mga ito: “We already issued the warnings. All they have to do is go to the DICT website to see the companies that are accredited.”
Batay sa record ng DICT, ito lamang ang nasa listahan ng mga online courier na may lisensiya para makapag-operate sa buong bansa – 2go Express, Inc.; Go21, Inc.; Intertraffic Transport Corp.; JRS Business Corporation; LBC Express, Inc.; Quickreliable Courier Services, Inc.; Wide World Express Corporation at Xytron International, Inc.
Dati naman kasing ang mga courier services sa bansa ay nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Trade and Industry ngunit ito ay nalipat na sa DICT sa ilalim ng opisina ng Postal Regulations Division (PRD).
Ang pangunahing dahilan kaya itinutulak ni Atienza na magkaroon ng imbestigasyon sa Kamara ay upang maprotektahan ang pamahalaan, mamimili at mga empleyado at lalo na ang mga mismong riders ng mga ito, sa pagpapalusot na ginagawa ng mga ilegal na online courier service.
“The government doesn’t get any benefit from these couriers because they are not licensed. They don’t pay taxes. The consumers have no protection. The employees of these colorum employees also don’t have protection in case something happen to them during delivery. We want these companies to be accountable and responsible,” ani Atienza.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.