HINDI ko ikinagulat ang ulat na may mga pari na itiniwalag ng Simbahang Katoliko dahil sa paglabag sa vow of celibacy tulad ng pag-aasawa at pagkakaroon ng anak. Ang ganitong ulat ay hindi lamang nagaganap sa ating bansa kundi maging sa iba pang panig ng daigdig na pinamamayanan ng mga Katoliko. At hindi lamang sa Catholic church ito manaka-nakang nangyayari kundi maaaring sa iba pang sekta ng pananampalataya.
Sa isang lugar sa Mindanao, sinasabing 30 alagad ng Simbahang Katoliko ang itiniwalag at pinangalanan ng isang mataas na lider ng naturang sekta ng relihiyon dahil nga sa paglabag sa nabanggit na mga kasalanan. Hindi ko matiyak kung ang gayong kaparusahan ay pinagtibay na ng liderato ng Vatican -- ang sentro ng Katolisismo sa mundo. Gayunman, naniniwala ako na ang gayong mga usapin ay hindi palalampasin ng kinauukulang mga lider na laging nagpapahalaga sa banal na imahe ng Catholic church.
Magugunita na ang Vatican ay hindi miminsang naglantad ng hindi kanais-nais na mga pangyayari sa nasabing relihiyon, tulad ng sexual harassment at iba pang katiwalian at pagmamalabis ng ilang alagad ng simbahan. Katunayan, malimit magbabala ang naturang mga lider sa mga pari at iba pang alagad ng sekta na laging manangan sa mga reglamento at kautusan ng Catholic hierarchy.
Bigla kong naalala ang minsang pagbubunyag ni Pangulong Duterte hinggil sa umano’y pagsalbahe ng isang pari sa isang bata sa isang paaralan sa Davao City. Hindi ko matiyak kung nagbiro lamang ang Pangulo subalit nasisiguro ko na ang gayong nakadidismayang insidente ay maaaring nangyayari sa ibang lugar. Nanggagalaiti ang Pangulo kapag naaalala niya ang naturang pari.
Sa pagtalakay sa nasabing maselang isyu, nais kong bigyang-diin na higit nakararaming pari at iba pang alagad ng Simbahang Katoliko ang katangi-tangi sa kanilang paglilingkod. Hindi lamang nila iginagalang ang suot nilang mga abito kundi laging pinangangatawanan ang matapat na pagpapalaganap ng mga utos ng Diyos.
Totoong hindi maiiwasan ang mga pagkakamali hindi lamang sa hanay ng mga alagad ng pananampalataya kundi maging sa iba pang propesyon; subalit nababawasan lamang sapagkat tulad ng lagi nating sinasabi, sila ay mga tao lamang.
-Celo Lagmay