SINIMULAN na ng Department of Agriculture (DA) sa Bicol ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasakang apektado ng Bagyong Tisoy sa anim na probinsiya ng rehiyon.

Sa isang panayam kay Emily Bordado, DA-Bicol spokesperson, ibinahagi nitong malaki ang naging pinsala sa sektor ng agrikultura sa rehiyon ang naging pananalasa ng bagyo.

Aniya, base sa ulat sa kanilang opisina, ang inisyal na halaga ng lugi ay nasa P2.6 bilyon sa palay, mais, high-value crops, organikong agrikulura, abaca, livestock, pangingisda, niyog at mga imprastractura at pasilidad.

“Immediately, DA-Bicol reactivated its quick action teams and mobilized its personnel to assess and validate the damage reports coming from the LGUs and came up with a list of intervention and assistance for each of the six provinces,” pagbabahagi ni Bordado, na idinagdag ang tulong na ipinaabot sa anim na probinsiya ng rehiyon.

Umaabot ang pinansyal na tulong sa P43.1 million kung saan nakapaloob dito ang nasa 4,630 sako ng certified at 2,000 hybrid palay seeds; 5,000 sako ng urea at kumpletong pataba; 58,950 sako ng zinc sulfate; 3,174 pakete ng plant growth enhancers; 1,700 sako ng Open Pollinated Variety white flint corn; 1,700 pakete ng assorted vegetable seeds at veterinary drugs and biologics.

“Aside from the DA’s assistance, the provinces have started receiving palay seeds for the dry season cropping from the PhilRice under the Rice Competitiveness Enhancement Fund Seed component. The budget for this was derived from the tariffs generated from the imported rice brought into our country with the implementation of the Rice Tarrification Law which removed the quantitative restriction on imported rice,” ayon pa kay Bordado.

Nakatanggap mula rito ang probinsiya ng Albay, ng alokasyon kung saan kasama ang 29,528 sako ng palay seeds; Camarines Sur, 91,412 sako; Sorsogon, 18,818 sako at Masbate, 11,384 sako.

Aniya, umabot sa 14,255 rice farmers; 10,511 high-value crop farmers at 6,633 corn farmers ang naapektuhan ng bagyo sa Bicol.

Nang tamaan ng bagyong Tisoy ang Bicol, nasa 76,963 ektarya ang may tanim na palay.

Sa kasalukuyan, nasa 26,825 ektarya ng palay sa anim na probinsiya ang nasira. Mula rito, 16,235 ektaryang ang totally damaged habang nasa 10,590 ektarya ang partially damaged. Umabot naman sa P939.9 million ang kauuang halaga ng pinsala.

Para sa mais, nasa 8,110.84 ektarya ang nasira, na nagkakahalaga ng P167.2 million.

Para naman sa high-value crops kung saan kabilang ang gulay at prutas, nasa mahigit 6,596 ektarya ang masira na nagkakahalaga ng P697 million.

Para sa organic agriculture, tinatayang umabot sa P3.8 million ang lugi mula sa mga probinsiya ng Albay, Catanduanes at Masbate.

Para naman sa pangingisda, tinatayang nasa P334.9 million pinsala ang naitala sa Albay at Sorsogon.

Para niyog, umabot sa P245.6 million ang naitalang pinsala sa Sorsogon at Masbate.

Sa livestock, nasa kabuuang 6,246 heads of various animals na nasa P49.8 million ang napaulat na pinsala sa anim na probinsiya.

Sa abaca, P127.5 million halaga ang naitalang nawala.

Samantala, naitala rin ang nasa P29 milyong pinsala sa mga opisina ng DA sa buong rehiyon.

PNA