NANG napagkaisahan ng mga opisyal ng iba’t ibang kagawaran ng gobyerno na aalisin nila ang lahat ng sagabal sa Pasig River at maging sa Manila Bay, biglang sumagi sa aking utak ang laging isinisigaw ng mga kritiko ng Duterte administration at maging ng liderato ng nakalipas na mga pangasiwaan: Misyong imposible. Ibig sabihin, hindi gayong kadaling alisin, halimbawa, ang mga barge o gabara, kinakalawang at mga sirang barko, mga istruktura sa gilid ng ilog, mga iskuwater na matagal nang naninirahan sa mga floating shanties, at iba pang sagabal sa naturang makasaysayang ilog.
Subalit determinado ang nabanggit na mga pinuno ng mga tanggapan na pinangungunahan ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang lead agency na linisin ang ilog. Katuwang niya ang mga Kalihim ng DOTr, DPWH, MMDA at iba pa. Kabilang din si Manila Mayor Isko Moreno na nagbanta na kakasuhan niya ang mga sagabal sa ilog.
Nasa wastong direksiyon ang implementasyon ng nasabing mga estratehiya. Marapat lamang paigtingin ang rehabilitasyon ng Pasig River na ngayon ay masyadong marumi, mabaho at lalong pinaggugubat ng tambak na mga basura, kabilang na ang bunton ng mga water lily o water hyacinth.
Maging ang mga iskwater na naninirahan sa mga barung-barong sa dalampasigan ay dapat ilipat sa mga relocation area sa iba’t ibang lalawigan, kaakibat ng mahigpit na babala na may katumbas na mabigat na parusa ang kanila pagbabalik sa dati nilang tinirhan. Ang mga pabrika na nagpapadaloy sa ilog ng kanilang mga basura at iba pang dumi ay hindi lamang dapat ipasara kundi palipatin sa ibang lugar. Masyadong marumi na ang ilog na nagiging imbakan ng iba’t ibang nakalalasong elemento na pumapatay sa mga isda at iba pa yamang-ilog.
Nakapanlulumong isipin na ang rehabilitasyon ng Pasig River ay hindi man lamang ganap na nakausad sa kabila ng pangangalandakan ng nakalipas na mga administrasyon; sa kabila ng limpak-limpak na pondo na inilaan sa naturang programa. Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit binuwag ni Pangulong Duterte ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at inatasan ang nabanggit na mga departamento na magkaisa sa paglilinis ng naturang ilog.
Nasa kanilang pananagutan ang pagtalima sa direktiba ng Pangulo -- upang gampanan ang imposibleng misyon na laging isinisigaw ng mga kritiko.
-Celo Lagmay