SA wakas ay inamin na rin ni Vice Ganda na nagkaroon sila ng konting tampuhan ni Coco Martin na naging dahilan kung bakit hindi na sila magkasama sa iisang pelikula sa tuwing sasapit ang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang dalawang pelikulang pinagsamahan nina Vice at Coco ay ang Beauty and the Bestie (2015). Hindi naman napasama sa 2016 MMFF ang Super Parental Guardians at nauna itong ipalabas sa buwan ng Nobyembre at tumabo ito ng husto.
Inakala ng lahat na muling magsasama ang mag-BFF sa 2017 MMFF, pero hindi nangyari sa Gandarrappiddo: The Revenger Squad dahil si Daniel ang kasama ni Vice; samantalang nagsolo si Coco sa entry niyang Panday kaya ang ending, magkalaban ang mga pelikula nila at number 1 ang entry ng TV host/actor.
Dito na nagsimula ang bulungang may alitan ang mag bestfriend kaya hindi sila nagsama sa 2017 Metro Manila Film Festival. May tsika pang kinausap ang dalawa na dapat hindi sila magsabay dahil magsa-suffer ang isa, dapat pareho silang number one.
Kaya ang ending may tampuhan ang dalawang magkaibigan.
Sa grand mediacon ng pelikulang The Mall, The Merrier na entry ulit ni Vice sa 2019 MMFF ay nagkuwento siya tungkol sa naging gusot nila ni Coco.
“Kailan ba ‘yung Beauty and the Bestie? Oo, nagkatampuhan kami, pero hindi right after (pelikula nilang Beauty and the Bestie). Nagkatampuhan kami nu’ng gagawa na kami ng pelikula para sa susunod na filmfest. Pero very minimal.
“Pero ‘yun ang tampuhan na hindi na kami (magpansinan) pano ba ‘yun? Hindi na kami nag-usap. Nag-artehan kaming dalawa. ‘Yung may mga tampo ako sa kanya, tapos, sinasabi ko lang sa mga common friends namin, tapos siya rin.
“’Yung pinararating namin sa ibang tao ‘yung tampo namin. Tapos, ‘pag nagkita kami, wala,” kaswal na kuwento ni Vice.
At nitong huling pagkikita nila ay nagsabi si Coco na alagaan ni Vice ang MMFF at dapat laging maganda ang pelikulang entry niya.
“Sabi niya sa akin, ‘alagaan mo ‘tong filmfest,’ sabi niyang ganu’n, ‘kasi, sa ‘yo na ‘to, eh,’ sabi niya, ‘gusto ko, laging maganda ang pelikulang ilalabas mo,’ sabi niyang ganu’n.
“Tapos sabi niya, ‘ako, okay na akong sumusunod lang sa ‘yo na first runner-up mo lagi.’ Sabi kong ganu’n, ‘uy, hindi naman, pero okay din na first runner-up ka,’” tumatawang sagot ng komedyante.
Mapapanood na ang The Mall The Merrier mula sa direksyon ni Barry Gonzales handog ng Star Cinema at Viva Films.
-REGGEE BONOAN