KABILANG na si Sylvia Sanchez sa ALV Talent Management ni Arnold Vegafria at ginanap ang pirmahan nila ng kontrata nitong Martes (Disyembre 10) ng hapon sa Annabel’s Restaurant na dinaluhan ng ilang entertainment media at TV.

sylvia ALV2

Hindi kaila sa lahat na may itinayong talent management agency si Sylvia kasama ang mga kaibigan sa pangunguna nina Annaliza Goma, Smokey Manaloto, Bobby Casuela, Jimmy Santos at marami pang iba.

Ang ilan sa mga artistang hinahawakan ng Powerhouse Arte, Inc ay sina Dante Rivero, Daria Ramirez, Jeffrey Santos, Divina Valencia, Ynez Veneracion, Gio Marcelo, Bimbo Cerrudo, Boom Labrusca, Ced Torrecarion, Debraliz, Divina Valencia, Dennis Coronel, Ian Ignacio, Ernie Garcia, Efren Reyes, Jr., Juan Rodrigo, Kiko Rustia, Lara Morena, Levi Ignacio, Lovely Rivero, Marithez Samson, Maureen Mauricio, Micah Munoz, Nanding Josef, Michael Rivero, Richard Reynoso, Rochelle Barrameda, Teresa Loyzaga at Olive Isidro.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Kaliwa’t kanan ang mga mensaheng natatanggap namin habang isinasagawa ang pirmahan ng kontrata nina Sylvia at Arnold dahil may mga napanood silang live coverage sa YouTube at ang ilan ay nag-post ng mga litrato sa social media.

Ang unang tanong sa amin ay kung iniwan na ni Ibyang ang Powerhouse Arte, na kaagad naming sinagot ng, ‘dagdag si ALV sa mamahala sa showbiz career ni Sylvia.’

Concerned din ang ibang kaibigan at kakilala ni Ibyang sa kaibigang si Anna kung naghiwalay na sila at bakit gayung nakita naman silang magkasama sa pagbubukas bagong tindahang Sylvia Sanchez by Beautederm sa may Roces Avenue, Quezon City.

“Kaya nga isinama ko si Anna dito ngayon sa contract signing ko para makita ng lahat, kasi tiyak ganyan nga ang iisipin,” saad ng aktres.

“Nagpunta lang ako sa store para kumuha ng orders tapos bigla akong isinasama ni Sylvia sabi ko, ayaw ko ano gagawin ko roon, hayun, pirmahan na pala, though alam ko naman na may ganu’n,” sabi naman ni Anna.

Sakto nga kasi kasama si Anna sa pictorial nina Ibyang at Arnold kaya malinaw na walang isyu, walang iwanan at walang nagkagulo sa pagitan ng magkaibigan.

“Hindi ako nangi-iwan ng tao sa buhay ko simula nu’ng nagsimula ako, nangdadagdag ako ng kaibigan, ayokong nang-iiwan,”matalinghagang sabi ng bagong alaga ni Arnold.

Paano nga ba nagsimula ang lahat at bakit kinailangan ni Ibyang ng bagong manager.

“Naisip ko kasi noon pa na gusto kong magkaroon ng manager nu’ng nawala na si Tita Angge (Cornelia Lee). Kami actually ni Smokey, kaso natatakot kami kasi si Tita Angge, maraming bilin noon na huwag kay ganito o kay ganyan kasi ganyan yan, ganito ugali. So, kami ni Mokey (tawag niya sa aktor), natatakot.

“Kaya nu’ng nawala si Tita A(Angge), naisip naming magtayo nitong Powerhouse para meron kaming talent agency na ako rin naman ang manager ng sarili ko, si Anna siyempre ang contact person. So tumatagal, naiisip din namin, bakit wala akong ini-endorsong produkto, sayang naman ‘yung mga teleserye ko na sa awa ng Diyos ay mataas ang ratings.

“Ito rin pala ang naiisip ng asawa ko (Art Atayde), actually siya ang nagsabi na kay Arnold ako magpa-manage kasi kilala niya at businessman, si Art ang nag suggest talaga kay Arnold kasi hindi ko naman kilala si Arnold, naririnig ko name niya, nagkikita kami pero hindi ko siya personal na kilala, si Art kilala si Arnold, kaya doon nagsimula,” kuwento ng aktres sa amin.

Sa solong panayam namin sa kilalang talent manager ay may nakausap na siyang interesadong kliyente sa aktres at malalaman ito sa susunod na taon, 2020.

“Hindi ko pa puwedeng banggitin hangga’t hindi pa closed ang deal, pero it’s a detergent and a coffee plus many more,” nakangiting sabi ni ALV.

Namimilog naman ang malalaking mata ni Ibyang ng marinig na binanggit iyon sa amin ni Arnold.

Oo nga naman, kakapirma lang mayroong prospect na kaagad.

Sa mediacon ay nabanggit din ni Arnold, “number one ang films, I told her nga na at least we have minimum of 2 films in a year and merong endorsements na papasok na I hope by the first quarter of the year but of course I cannot reveal yet kasi (hindi pa nagpirmahan), pero ‘yung film 100% tuloy ‘yun.”

At dahil premium star naman ang category ngayon ni Sylvia dahil sa mga teleseryeng nagawa niya ay pawang hataw sa ratings game lalo na ang The Greatest Love at itong umeereng Ang Pamilya Ko ay tataas na ang talent fee ng aktres dahil babaguhin na ito ng bago niyang manager.

“Siyempre kailangan kasi mataas naman ang value niya sa television and it’s about time na i-increase ko rin ang outside television niya, dapat everything tataas. I promised to her (Ibyang) that I will deliver a good price sa lahat ng gagawin niya outside television,” pahayag ni Arnold.

Nabanggit na sa amin dati ng aktres na kapag may nagtatanong sa kanya ng talent fee kapag may gustong kumuha sa kanya ay hindi siya makapagsalita.

“Kasi nahihya ako, nahihiya akong ibenta ang sarili ko, nahihiya akong magsabi. Kahit kasi may Powerhouse, ako pa rin naman ‘yung nagma-manage ng sarili ko, ako pa rin ang nasusunod kung gusto ko ang project o hindi sa presyo wala akong ideya kaya kung ano lang minsan sabihin nu’ng kumukuha, okay na. Pati si Anna nga rin hindi alam ang dapat na tf ko outside TV, kasi si Anna sa TV siya mahusay,” paliwanag sa amin ni Ibyang.

Nabanggit ding may itinayong production ang aktres at plano nitong mag-produce ng pelikula posibleng pagsosyohan nila ni Arnold.

Excited si Sylvia sa bago niyang manager at gayun din naman si ALV kasi inamin niya ng harapan na nanonood siya ng teleserye ng aktres sa iWant dahil nga hindi naman niya nasusundan ito sa regular na oras sa rami ng lakad at meetings niya.

“I’m a fan of her (Sylvia), nasusubaybayan ko ang lahat ng TV series niya, kapag nasa biyahe ako nanonood ako sa iWant,” sambit ni Arnold sa amin.

Pagkatapos ng presscon ay narinig namin ang mga sinabi ni ALV kay Sylvia, “siguro dapat magkaroon ka ng show kasi napapanood ko kumakanta ka, and okay ‘yun, kasi si Aiko (Melendez), kumakanta at may show siya da PAGCOR.”

Sagot naman ni Ibyang, “Ay ayoko no’n hindi ko kayang mag-show, hanggang mall show lang pag promo ng Pamilya Ko at Beautederm. Siguro sa abroad shows na ang, kakanta ako, ha, ha, ha.”

“Sige ayusin natin ‘yan, may mga shows naman sa abroad for our Kababayans, sige gawin natin ‘yan,” sabi ni ALV.

Hmm, mukhang matutuloy na ang pagiging ‘singer’ talaga ni Sylvia, huh.

-REGGEE BONOAN