CLARK -- Napana ng mag-asawang sina Paul Marton at Rachelle Anne Dela Cruz ang kaisa-isang gintong medalya sa mixed compound event ng archery competition nitong Lunes sa 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa Parade Grounds dito.

Nanaig ang tandem ng mga Dela Cruz sa kanilang mga katunggaling sina Van Day Nguyen at Kieu Oanh Chau ng Vietnam sa pammagitan ng 148-147 panalo ito ay matapos silang mabigo sa unang sabak sa recurve event.

“Binigay po namin lahat kay Lord na siya na po ang bahala. Basta kami gagawin namin ang lahat na kailangan naming gawin,” pahayag ni Paul.

Aminado si Paul na iniangat siya ng kanyang asawa na si Rachelle para sa nasabing panalo.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

“Basta ‘yung sa akin, kung matalo, that’s fine, kung manalo, sulit lahat ng pagod,” pahayag naman ni Rachelle.

Anim na taon ang binilang bago muling nakakuha ng ginto ang Pilipinas buhat sa archery sa biennial meet kung saan ang huling pagkakataon ay noong 2013 sa Myanmar buhat sa men’s compound team nina Ian Patrick Chipeco, Earl Benjamin Yap at Delfin Anthony Adriano.

Noong 2017 nag-uwi ng isang silver at apat na bronze medal ang koponan sa SEA Games edition na ginanap sa Kuala Lumpur Malaysia.

Samantala, minaneobra naman ng mga koponan ng Vietnam at Thailand ang archery sa pamamagitan ng kanilang nasilong tigatlong gintong medalya buhat sa recurve at compound events.

Nakuha ng tambalan nina Van Day Nguyen at Kieu Oanh Chau ng Vietnam ang silver medal sa nasabing category, habang ang Indonesia naman ang nagwag ng bronze medal na tumalo sa Malaysia, 152-150, sa mixed compound.

Hindi naman pinalad na makasingit ng medalya ang tropa nina Andrea Lucia Robles, Abbigail Tindugan at Rachelle matapos na mabigo sa koponan ng Vietnam na sina kina Kieu Oanh Chau, Phuong Le Thao at Vy Tuong Nguyen sa kompetisyon sa women’s team compound na pinagreynahan ng koponan ng Thailand.

-Annie Abad