SOBRANG nakasusulasok na makarinig ng balita, na sa gitna nang pagbubunyi ng sambayanang Pilipino sa tagumpay na natamo ng ilan nating manlalaro sa idinaraos na South East Asia (SEA) Games sa bansa, may mga coach na sa halip na makisaya, ay nagkakalat pa ng intriga at galit laban sa atletang nanalo ng gintong medalya, dahil hindi ito kabilang sa kanyang paboritong “inaalagaan” na kuwadra.
Saang lupalop ka ba naman sa mundong ibabaw nakakita o nakarinig ng pambansang coach ng isang koponan, na sa halip na papurihan ang manlalaro niya na nakakuha ng gintong medalya, ay “deadma” pa siya rito at ang pinuri ng todo ay ang mga paborito niyang atleta – na inaakala niyang magbibigay sa kanya ng tambak na medalya – ngunit ‘di man lang nakakuha ni isang medalyang tansan!
Nadun na ako, matalo’t manalo ay dapat na itaas ang moral ng bawat manlalarong Pinoy – ngunit ‘wag naman sanang balewalain ang pagkakapanalo ng atletang ‘di paboritong magdadala ng korona, sa koponang hinahawakan ng isang “dakilang coach” daw ng buong team.
Sa isang makabagbag damdaming post sa social media account ng isang batang Pinay “karateka” na si Junna Tsukii, ganito umano ang naging tugon sa kanya ng “magaling niyang coach,” nang tanungin niya ito kung bakit parang hindi ito natutuwa sa “medalyang ginto” na kanyang napanalunan: “Because you are not part of the team, that’s why your medal is not for this team or not for this country. And for me you are dead, that’s why I can’t see you because you are dead.”
Ayon sa Facebook post ni Tsukii – na umani ng galit mula sa mga netizen para sa nasabing coach -- hindi raw ito ang unang pagkakataon na ginawa ito sa kanya, bagkus simula pa noong manggaling siya sa isang “international competition” sa Madrid na kanyang sinalihan nito lamang nakaraang buwan.
Ang hinaing ng gold medalist na “karateka”: “Thank you so much for supporting and cheering me today. I’m really happy to win a gold medal at the second Sea Games in my country, but now I’m very sad, even I have gold medal.”
Dagdag pa nito sa kanyang Facebook post: “And I am not dead, I am alive. Please stop hurting anymore, please. However, I still want to support the team for the game that will continue tomorrow. And I pray for the victory of all Philippine athletes. Maraming salamat po sa inyong lahat.”
Sama ng loob na sinagot naman ng suporta at paghanga mula sa ating mga kababayan: “You made us proud. Never mind what one person did, we love you and we will always be behind you.”
Tanong naman ng isang netizen: “Who is that coach? We’re already proud of you (Junna) for representing the Philippines, how much more that you won a gold medal?”
Bagaman hindi pinangalanan ang “bully” na coach – na kaya pala galit kay Junna ay dahil sa naging desisyon ng “karateka” na pumunta sa isang international competition noong Nobyembre 29 sa Madrid – na ayaw payagan si Junna na sumali dahil makasasama raw sa magiging performance nito sa parating na SEA Games.
Naman itong si Coach – kailan pa nakasama sa performance ang international exposure ng mga atleta na lumaro sa ibang bansa…Umm baka naman pulitiko ka lang na nagbabalat-kayong coach?
Ayan maliwanag ang magandang epekto – nakakuha ng GOLD si Junna dahil sa dagdag experience niya mula sa isang international competition – kaya dapat pumapalakpak ka at hindi nambubuska. Itigil mo na muna ‘yang ego tripping mo.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.