Kasabay halos ng pag-alis ng bagyong Tisoy sa ating bansa, maagap naman ang iba’t ibang sektor kabilang na ang gobyerno sa pagsaklolo sa mga sinalanta ng naturang kalamidad. Si Tisoy na sinasabing pinakamalakas na bagyo sa taong ito na dumaluyong sa Kabisayaan, Kabikulan, Mimaropa at sa Luzon ay nag-iwan ng 17 patay at milyun-milyong pisong pinsala sa agrikultura at mga alagang baboy at manok; bukod pa rito ang mga nawasak na mga kalsada at tulay.
Maliban kung may mga pagbabago, si Pangulong Duterte ay may planong bumisita sa Kabikulan hindi lamang upang alamin ang lawak ng kapinsalaan kundi upang ayudahan marahil ang calamity victims. Ang naturang rehiyon, lalo na sa Sorsogon, ang iniulat na masyadong sinalanta ni Tisoy.
Halos magkumagkag namang nagpahayag si Agriculture Secretary William Dar sa pagpapahayag na milyun-milyong pisong stand-by funds ang nakahanda para sa mga magsasaka, kabilang na marahil ang mga hog at livestock raisers. Malawak din ang napinsalang palayan at maisan bukod pa sa mga nabuwal na punong niyog at iba pang pananim.
Hindi malayong magamit din bilang panaklolo ang bahagi ng pondo mula sa Office of the President na naunang hiniling ni Dar para sa pangaailangan ng agrikultura.
Maging ang Social Security System (SSS) ay nagpahayag na rin ng kahandaan sa pagpapautang sa mga miyembro nito na biktima ng kalamidad. Kaagapay na rin sa ganitong misyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) -- at iba pang charitable agencies -- sa pagdamay sa ating mga kababayan na ang karamihan ay kinukupkop pa sa mga evacuation centers. Kalunus-lunos ang kalagayan ng ating mga kababayan, lalo na sa Quezon na mistulang pinadapa ang kanilang mga bahay. Sila ang dapat bigyan ng unang prayoridad ng nabanggit na mga ahensiya ng pamahalaan.
Hindi naman nagpaumat-umat ang local government units (LGUs) sa pagsaklolo sa mga typhoon victims. Si Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, halimbawa, ay nag-utos sa kinauukulang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan na alamin ang ayuda na kailangan ng mga nasalanta. Kabilang na rito ang mga magsasaka na ang karamihan ay abala na sa paghahanda ng bukirin para sa susunod na crop season.
Ganito rin ang kasiglahan ng iba pang LGUs, lalo na sa mga lalawigan ng Pangasinan, Isabela, Zambales at iba pa -- mga lalawigan na maituturing na mga rice granary ng bansa.
Sa gayong pagdaluyong ng bagyo at iba pang kalamidad, walang dahilan upang magbulag-bulagan, magbingi-bingihan at maging manhid ang sinuman sa pagsaklolo sa ating mga kababayan.
-Celo Lagmay