ISANG malaking kabalintunaan na sa kabila ng mga pagtuturuan, sisihan at mistulang pagbabangayan ng ilang sektor ng sambayanan kabilang na ang ilang mambabatas kaugnay ng masalimuot na preparasyon ng 30th Southeast Asian Games, mistula ring nagngangalit ang ating mga atleta sa pagsungkit ng katakut-takot na medalya. Habang sinusulat ito, umaabot na sa 95 medalya na kinabibilangan ng 42 ginto ang nahahakot ng ating PH team sa iba’t ibang larangan ng palakasan.
Maliwanag na hindi man lamang pinanghihinaan ng loob ang ating mga manlalaro; bagkus, natitiyak ko na lalo pa nilang pinaiigting ang kanilang pakikipagpaligsahan sa hangaring mabigyan ng karangalan hindi lamang ang ating mga kababayan kundi, higit sa lahat, ang ating bansa. Dahil dito, dapat lamang asahan na madadagdagan pa ang nahahakot nilang mga medalya.
Subalit hindi ito nangangahulugan na maipagwawalang-bahala ang imbestigasyon sa lumutang na mga sapantaha na nagkaroon ng mga katiwalian sa 30th SEAG. Si Pangulong Duterte ang mismong paulit-ulit na nagpahayag na walang sacred cows sa nabanggit na isyu. Ibig sabihin, kailangang managot ang dapat managot, kahit na sino ang masagasaan, wika nga.
Maging si Speaker Alan Peter Cayetano bilang chairman na organizing committee, ay tandisang nagpahiwatig na dapat ding magkaroon ng puspusang imbestigasyon sa sinasabing mga katiwalian na kamuntik nang makadiskaril sa naturang regional sports competition. Tila pabiro pa niyang sinabi na kung napatunayang siya ang may kasalanan ng lahat, nakahanda siyang magpakulong.
Ang nabanggit na mga pahiwatig ay taliwas naman sa paninindigan ng ilang kongresista na wala umanong dapat maganap na imbestigasyon sa mga bintang na nagkaroon nga ng mga alingasngas sa preparasyon ng SEAG. Nangangahulugan pa ito na walang naganap na mga anomalya hindi lamang sa paglalaan ng pondo kundi maging sa konstruksiyon ng mga sports facilities na umano’y ginugulan ng limpak-limpak na salapi? Hindi kaya nais lamang ng ilang mambabatas na protektahan ang liderato ng Kamara na hinihinalang utak ng mga alingasngas? Kapani-paniwala kaya na ang nabanggit na mga kongresista ay makatuwiran lamang manahimik, lalo iyong kabilang sa nabigyan ng tinatawag na juicy positions -- deputy speakership at committee chairmanship?
Ang gayong mga pananaw ay pinaniniwalaan kong hindi dapat maging balakid sa isasagawang imbestigasyon sa SEAG.
-Celo Lagmay