SALAMAT kay amihan o northeast monsoon na nagdudulot ng mga pag-ulan upang ang antas ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan ay umangat at maging 188.14 metro noong Biyernes. Sa pagsubaybay ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRRMO), lumitaw na mula sa 187.80 metro noong Martes at 188 metro noong Miyerkules, tumaas ang water level ng dam sa 188.14 metro o pagtaas ng 0.34 metro sa nagdaang tatlong araw.
Ipinaliwanag ng PDRRMO na ang water level noong Biyernes ay 8.14 metro na mas mataas sa minimum operating level na 180 metro. Ito ay 23.86 metro na mababa sa ideal level na 212 metro. Habang sinusulat ko ito, papalapit ang bagyong Kammuri (international name), na magiging Tisoy ang pangalan kapag dumating na at lumapag sa bahagi ng Pilipinas.
Panalangin ng mga Pinoy na hindi sana magdulot ito ng pinsala at malakas na pag-ulan sa mga lugar na pagdarausan ng 30th Southeast Asian Games (Sea Games) na ang Pilipinas ang host. Sana ang ulan ay tumama sa mga lugar o bayan na nangangailangan ng tubig para sa bukirin o kaya naman ay sa Angat Dam para matamo ang ideal water level na 212 metro.
Ayaw tantanan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Vice Pres. Leni Robredo kaugnay ng pagkakatalaga niya rito bilang drug czar o co-chairperson ng Inter-Agency on Anti- Illegal Drugs (ICAD). Dahil sa kawalan ng tiwala kay Robredo, sinibak siya ng Pangulo gayong 19 araw lang siyang nasa puwesto at hindi pa nag-iinit sa upuan.
Sa kanyang banat kay beautiful Leni, sinabi ni Mano Digong na “she made an a**hole of herself.” Siya raw ay handa sa ano mang pagbubunyag ni VP Leni tungkol sa isinusulong niyang drug war sapul noong 2016. Ayon sa mga report, labis na ikinainis ni PDu30 ang pakikipagpulong ni Leni sa mga opisyal at kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNOD), US Drug Enforcement Agency at iba pang mga grupo at indibiduwal.
Balak din sana ni Robredo na makipagpulong sa mga Embahada ng Japan, Thailand, Australia at iba pa para makakuha ng mga tips hinggil sa pagbaka sa illegal drugs. Ang nais ng Bise Presidente ay “zero killings” o “no to senseless killings” sa giyera sa iligal na droga. Ang gusto niya ay masugpo ang salot na ito sa pamamagitan ng paghuli sa mga drug pushers at users at sila ay dalhin sa rehabilitation centers para gumaling at magbagong-buhay.
Salungat ang pamamaraang nais niyang ipatupad bilang ICAD co-chairperson sa pamamaraan ni PRRD. Hangad niyang tratuhin at ituring ang problema sa illegal drugs bilang health problem at kahirapan, hindi police matter na pagpapatayin ang mga tulak at adik.
Humingi rin siya ng listahan o narco-list ng high-value drug lords, traffickers, smugglers, suppliers para makagawa ng epektibong paraan upang sila’ymahuli o masawata sa pagpupuslit ng bultu-bultong shabu at iba pang iligal na droga. Hindi siya pinagbigyan ng PDEA, PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Niliwanag ni presidential spokesman Salvador Panelo na tinanggal ng Pangulo si Robredo bilang ICAD co-chairperson dahil sa “missteps” o mga maling hakbang. Binira niya ang mga kritiko na gumamit sa pahayag ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na walang nagawang “missteps” ang pangalawang pangulo kaugnay ng pagpapatupad sa batas.
Samantala, kailangan ng bansa ang suporta ng sambayanang Pilipino sa isinasagawang Sea Games. Bilang host sa palaro, dapat magkaisa ang mga mamamayan sa pagpapakita ng hospitality na kilalang tatak-Pilipino sa buong bansa. Hintayin na lang nating matapos ito at abangan ang paliwanag ni Speaker Cayetano hinggil sa umano’y mga aberya ng Sea Games.
KAHANGA-HANGA ang naging pagbubukas ng Southeast Asian Games, kung saan tampok ang Pilipinong kultura, kagalingan at pagkakaisa. Tulad ng marami sa ating mga kababayan, nakaramdam ako ng pagmamalaki habang pinanonood ang nakasisilaw na pagtatanghal na nagtatampok sa ating mga tradisyon at nagpapakita sa mundo kung ano tayo bilang mamamayan.
Pinupuri ko rin ang naging desisyon na itampok ang ating mga tradisyunal na laro at mga sayaw sa pagbubukas na seremonya. Maaaring ilan sa ating mga kabataan ang nalimutan na ang ating pamana. Pagpupugay sa Ramon Obusan Folkloric Group at sa mahuhusay na mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad na nagbigay-aliw sa atin at sa buong mundo sa pamamagitan ng iba’t ibang mga katutubong sayaw tulad ng Tinikling. Matagal ko nang hindi nasasaksihan ang isang napakagandang pagtatanghal ng mga tradisyunal na Pilipinong sayaw.
Sa kabila ng maraming kritisismo na natanggap ng mga tagapamahala sa pagbubukas ng ika-30 edisyon ng rehiyunal na palaro, pinupuri ko sila sa isang magandang trabaho na kanilang napagtagumpayan, lalo na sa mga nagtanghal na nagpahanga sa atin at sa mga atleta na nagbigay sa atin ng inspirasyon.
Ikinatuwa ko rin ang bahagi kung saan dinala ng mga haligi ng Pilipinong sports – nina Lydia de Vega, Efren “Bata” Reyes, Rafael “Paeng” Nepomuceno, Akiko Thomson, Eric Buhain, Alvin Patrimonio, Bong Coo, at Mansueto “Onyok” Velasco—ang bandila ng SEA Games Federation Flag. Isa itong mahusay na desisyon dahil isang pagkilala ito sa naging kontribusyon ng ating mga idolo sa larangan ng Pilipinong sports. Sinubaybayan natin silang ipaglaban ang ating bandila noon at nakagagalak makita na natatanggap nila ang pagkilalang nararapat. Personal kong kilala si Bata Reyes at tunay kong hinahangaan ang kanyang kagustuhan na lumaban, sa kabila ng kanyang edad at kalagayan.
Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal na pagbubukas ng Palaro at hindi rin nito napigilang mapasayaw sa saliw ng awiting “Manila” habang ang ating mga Pilipinong Atleta ay pumapasok sa stadium. Ang ganitong mga tagpo ang bumubuhay sa ating pagka-Pilipino. Sa kabila ng mga kinahaharap nating mga pagsubok, may kakayahan ang mga Pilipino na ipakita ang kagalingan, at lantad na lantad ito sa naging seremonya.
May ilang mga nakalulungkot na bahagi bago pa ang pagbubukas. Ang problema sa logistic na tila nagkamali sa simula. Naipakita rin dito ang negatibong bahagi ng ilan sa atin na sinamantala ang mga problema sa politikal na pag-atake. Ngunit humingi na ng tawad ang Pangulo. “I’m really apologizing for the country... they (other nations) should know while they are still here that the government is not happy,” pahayag ng Pangulo sa isang panayam.
Huwag natin hayaan ang mga puwang na ito at pagkakahati ng politikal na partido na sumira sa pagkakataon natin na maipakita ang kagalingang Pilipino sa lahat ng porma nito. Maraming pagkakataon upang magturuan matapos ang Palaro. Maging ang Pangulo ay sinigurado sa bansa na magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa narasanang problema.
Ang mahalaga ngayon ay ang makatulong tayo sa bawat isa upang masiguro ang tagumpay ng Palarong ito. Ang pagkakataong ito kung saan nasa 56 na sports ang paglalaban-labanan sa 513 events. Kung may problema man, sa halip na sisihin ang mga tagapamahala, tanungin natin kung paano tayo makatutulong sa kanila. At higit dito, suportahan natin ang ating mga Pilipinong atleta sa kanilang laban upang maibigay ang tagumpay sa bansa. Tulad ng inilalarawan ng tema ng SEA Games, “we win as one.”Dahil ito ang kahulugan ng tunay na tagumpay.
Pagtuunan muna natin ngayon ang palaro. Pumunta tayo sa mga venue at sumuporta sa ating mga atleta. Pinupuri ko ang desisyon ng Pangulo na buksan ang lahat ng laro at ang seremonya ng pagtatapos nang libre sa publiko. Malaking bagay ito upang maramdaman ng husto ng ating mga kababayan ang SEA Games.
Huwag din nating kalimutan kung para saan ang SEA Games—“building camaraderie, celebrating excellence and forging friendships.” Ang mga atletang ito ay naglaan ng malaking bahagi ng kanilang buhay upang maging magaling sa kanilang larangan. Sila ang pinakamahuhusay sa ating rehiyom, marami sa mga ito ay pinakamahusay rin sa mundo. Masuwerte tayong mabigyan ng pagkakataon na pangunahan ang pagtatanghal ng kanilang mga talent dito sa ating bansa. Iparamdam natin sa kanila at sa buong mundo kung ano ang Filipino hospitality.
-Manny Villar