SA biglang tingin, ang panukalang-batas na magkakaloob ng lifetime passports sa mga senior citizens ay isa na namang hulog ng langit sa sambayanan lalo na nga sa katulad naming nasa dapit-hapon na ng buhay, wika nga. Ibig sabihin, sa halip na 10 taon lamang ang bisa ng mga pasaporte ng nakatatandang mga mamamayan, habambuhay na nilang magagamit ang naturang travel document.
Hindi biro ang pagkuha ng mga bagong pasaporte, pati ang pagpapa-renew ng mga ito. Bukod sa paghahanda ng kailangang mga dokumento, mistulang kalbaryo pa ang mahahabang pila sa mga passport offices ng Department of Foreign Affairs (DFA). Adhikain ng naturang panukala o bill na ilayo ang halos walong milyong senior citizens saa matinding abala at pagod sa pagkuha ng nasabing travel document.
Intensiyon din ng bill na parangalan ang mga nakatatandang mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng iba’t ibang pribilehiyo at benepisyo, lalo na nga kung isasaalang-alang na minsan sa kanilang buhay, naging katuwang din sila sa mga kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan ng ating bansa. Katunayan, ang ilan sa kanila ay maituturing na mga bayani na naging kaagapay sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng mga komunidad. Angkop lamang at makatuturan ang gayong pagkilala.
Gayunman, mawalang-galang na sa mga nagsusulong ng naturang panukalang-batas, hindi maiiwasan ang paglutang ng mga katanungan: Ilan kaya sa 7.5 milyong senior citizens ang mangagailangan ng lifetime passport para sa kanilang paglalakbay sa iba’t ibang bansa? Hindi naman isang pagmamaliit, subalit ilan kaya sa aming hanay ang may nakahandang limpak-limpak na salapi para sa pagliliwaliw sa mga world tourists attractions? Hindi ba ang gayong pondo ay higit na makabuluhan ilaan na lamang sa maintenance medicine ng mga senior citizens upang humaba-haba naman ang kanilang buhay?
Naniniwala ako na higit na malulugod ang nakatatandang mga mamamayan kung iuukol ng mga mambabatas ang kanilang panahon sa pagsusog ng Cheaper Medicine Act upang mapababa ang presyo ng mga gamot na kailangan ng sambayanan. Idagdag pa rito ang matinding pangangailangan sa pagahanda ng implementing rules and regulations (IRR) upang ganap nang maipatupad ang Universal Health Care Law na naglalayong magkaloob ng libreng gamot, pagpapaospital at konsultasyon sa ating mga kababayan.
Marapat ding isulong ang pagsasabatas ng panukala na hinggil sa pagtatayo ng mga wellness centers para sa mga senior citizens sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Isa itong proyekto na maglalaan ng libreng dialysis at ibang diagnostic care para sa mga may karamdaman. Kailangan ang higit na makabuluhang pagsaklolo sa aming hanay.
-Celo Lagmay