SA walang patumanggang batikusan, iringan at patutsadahan ng iba’t ibang sektor, kabilang na ang ilang mambabatas -- lalo na ng grupo ng oposisyon -- hinggil sa napipintong SEAG, kapani-paniwala na wala silang ibang intensiyon kundi ilantad ang sinasabing mga kapalpakan, kapabayaan at iba pang alingasngas kaugnay nga ng pagdaraos ng regional sports competition. Dahil dito, hindi malayo na madamay ang atin mismong mga manlalaro; at hindi rin malayo na pati ang tunay na diwa ng ating mayamang kultura -- ang Filipino hospitality -- ay mabahiran ng pagkukunwari.
Maraming sumulpot na mga bintang na hindi nagawa ng ating organizing committee ang ganap na preparasyon sa SEAG dahil marahil sa kakulangan ng panahon at sa sinasabing pagkabalam ng pagpapalabas na kailangang mga pondo; na ang mga paghahanda ay nabahiran ng mga katiwalian na tulad ng umano’y pinakamagastos na cauldron o kaldero na simbolo ng sports fest.
Maging ang iba’t ibang delegasyon ng mga manlalaro ay dumanas umano ng kawalan ng mabuting serbisyo, lalo na sa kanilang paglapag sa mga paliparan. Pati ang mga pagkain sa tinitirhan nilang mga hotel ay tila inireklamo ng mismong mga manlalaro. Marami pang hindi kanais-nais na mga pangyayari na maaaring nakasira sa imahe ng ating bansa, lalo na nga sa mga sports organization na kaagapay sa preparasyon ng naturang sports competition.
Subalit hindi ito ang panahon ng pagtuturuan, pagsisisihan, at walang katuturan at mistulang pagbabangayan. Kailangan natin ngayon ang makabuluhang pagpapamalas hindi lamang ng tunay na kahulugan ng hospitality o mabuting pagtanggap sa ating mga bisita. Higit sa lahat, panahon ngayon ng pagbibigay sa ating sariling mga manlalaro -- kabilang na ang iba pang kalahok sa paligsahan at palakasan -- ng kailangang sigla at inspirasyon sa kanilang pakikipagtagisan ng kahusayan sa paglalaro. Sa gayon, ang ating sariling mga manlalaro ay makatitiyak, kahit paano, na magtamo ng karangalan hindi lamang para sa ating bansa kundi lalo na sa ating mga kababayan na natitiyak kong magdiriwang sa mga ginto na sagisag ng kanilang pamamayani sa mga sports contest.
Bigla kong naalala ang pambihirang pagsusumikap ng ating mga alagad ng palakasan noong panahon ng kagipitan, wika nga, noong martial law regime. Hindi maaaring maliitin ang pamunuan ng Gintong Alay na nagtaguyod ng mga programa hinggil sa pagsasanay, pangangalaga at paghahanap ng tinatawag na potential gold medalist.
Hindi ko malilimutan ang mga naging produkto ng naturang sports program. Tulad ni Lydia de Vega na naging Sprint Queen of Asia, Elma Muros na maituturing din na Long Jump Queen, at si Isidro del Prado na maituturing ding Sprint King. Sila, sa aking pagkakaalam, ay pawang mga gold medalist na pawang nagdulot ng malaking karangalan para sa ating bansa.
Anupa’t, ang kailangan ngayon ay ang ating pagbibigay ng inspirasyon at hindi kawalan ng pag-asa sa ating mga manlalaro.
-Celo Lagmay