NAKAPAGTATAKANG mabatid na habang ang Rizal Day ay umaalala sa kamatayan ni Jose Rizal, ang Bonifacio Day naman, na ipagdiriwang natin ilang araw mula ngayon, ay paggunita sa kapanganakan ni Andres Bonifacio. Sa aking palagay, ito ay dahil habang maituturing ang kamatayan ni Rizal bilang isang “heroic death”, ang pagkamatay ni Bonifacio ay nababalot ng misteryo at intriga.
Kamangha-mangha para sa akin kung paano natin pinipiling alalahanin ang ating mga bayani at ang mga kaganapan sa kanilang buhay. Minsan dumaransa tayo sa masasabi kong collective at selective amnesia. Naaalala natin ang mga magagandang bagay at nalilimutan ang masasama. Ginugunita sa Rizal Day ang makabayang sakripisyo ni Rizal para sa kapakanan ng bansa. Habang ang pagkamatay ni Bonifacio ay resulta ng isang panloob na kontrobersiya ng politika (ang Magdalo vs. Magdiwang, Tejeros convention, at iba pa) na nagresulta sa pagkaaresto, pagkabilanggo at pagkamatay ng tagapagtatag ng Pilipinong Rebolusyon.
Sa kabila ng “un-heroic” na pagkamatay ni Bonifacio, ang kanyang kabayanihan ay nakatatak na sa kanyang naging buhay. Lagi akong may espesyal na pagpapahalaga kay Bonifacio hindi lamang dahil sa kanyang kabayanihan sa pamumuno ng rebolusyonaryong pakikipaglaban kontra sa kolonya ng Espanya ngunit kung paano niya nalampasan ang lahat ng mga pagsubok sa kanyang sariling buhay at naging bayani.
Ipinanganak si Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 1862 sa isang maliit na kubo sa Calle Azcarrafa, kilala ngayon bilang Claro M. Recto Avenue sa Tondo, Maynila. Labing-apat na taong gulang pa lamang si Bonifacio nang tumayong magulang nang sila ay maulila. Ang kanyang mga kapatid ay sina Ciriaco, Procopio, Troadio, Esperidiona at Maxima.
Gumagawa siya ng iba’t ibang bagay at nagbebenta ng mga pamaypay na papel at baston. Nagtrabaho rin siya bilang isang mensahero at warehouse man. Hindi siya nakapagtapos sa paaralan ngunit natuto siya sa kanyang sariling pamamaraan. Nagbasa siya ng maraming mga aklat at nag-aral ng Tagalog at Espanyol. Hindi niya kailanman hinayaan na maging hadlang ang kanilang kahirapan para sa kanilang kinabukasan.
Para sa akin, isa itong mahalagang sangkap ng kanyang kabayanihan. Maaari siyang tumuon na lamang sa pagtatrabaho at suportahan ang kanyang mga kapatid. Maaari niyang resonableng isantabi ang problema ng bansa para sa problema ng pagpapakain sa kanyang pamilya. Ngunit inialay ni Bonifacio ang kanyang talento at buhay hindi lamang para sa kapakanan ng kanyang mga kapatid ngunit para rin sa kabutihan ng lahat ng mga Pilipino. Madali lamang maisantabi ang katotohanang ito kung pagtutuunan ang rebolusyong kanyang sinimulan ngunit ang kanyang karakter at kabutihan na ito ang humubog sa kanya bilang isang bayani.
Isa itong bagay na maaaring matutunan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan. Hindi kailangang pangunahan mo ang isang armadong pag-aaklas o humawak ng armas upang maging isang bayani. Ang paghubog sa karakter na magbibigay sa iyo ng kakayahang maniwala sa iyong abilidad upang malampasan ang anumang pagsubok sa buhat ay sapat nang tagumpay na maaari mong maipagmalaki. Kung hindi mo hahayaang ang kasalukuyan mong kalagayan ang magtakda ng iyong hinaharap, ito ang magsisimula ng iyong daan tungo sa tagumpay.
Namatay si Andres Bonifacio noong ikasampu ng Mayo 1897. Kasama ng kanyang kapatid na si Procopio, ang tagapagtatag ng Rebolusyong na magpapasimula ng unang Republika sa Asya, ay binaril sa Bundok Nagpatong, malapit sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Isa itong biglaang pagwawakas ng kanyang makabuluhang buhay.
Ngunit may paraan ang kasaysayan ng pagtatama sa kawalang katarungan ng buhay. Ngayon, katumbas ng Bonifacio ang mga salitang katapangan, pakikipaglaban sa kalayaan, at kasarinlan. Ang kanyang buhay—kung paano niya nalampasan ang kahirapan at kung paano niya pinamunuan ang mga tao tungo sa kanilang kalayaan—ay katangi-tangi at kabayanihan. Kaya naman may espesyal akong pagpapahalaga sa Supremo higit sa sinuman sa mga kinikilala nating mga bayani. Sa isang banda, nakauugnay ako sa buhay na pinagdaanan niya. Nakatulong dito ng malaki na mula rin siya sa Tondo at ang pagtitinda niya ng mga bagay upang masuportahan ang kanyang pamilya. Binuo niya ang kanyang sarili. Hindi siya ipinanganak sa isang maimpluwensiyang pamilya. Hindi siya mayaman. Wala siyang oportunidad na ipinagkakaloob ng magarbong pamumuhay. Gayunman, nagawa niyang maging mahalaga ang kanyang buhay higit sa sinuman sa kanya –o maging sa susunod na— henerasyon.
-Manny Villar