SA halip na maasar at magalit sa inaasal ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagiging co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD)ni Vice President Leni Robredo, ay pinilit ko na lamang na sabihin sa aking sarili na: “Natatawa ako, hi hi hi!”
Aba’y sino ba ang matutuwa sa mga binitiwang salita ng dalawang “matitinik” na bosing ng PNP at PDEA, na sa halip na pakinggan muna at makipagtulungan sa mga plano ni VP Leny, kung paano makatutulong sa pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa, ay pinaulanan agad ng dalawa ng maaanghang na salitang kontra sa itinalagang drug czar ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Kung ang pagbabatayan kasi ay ang mga namutawing salita mula kina PNP Chief Lt/Gen .Archie Gamboa at PDEA Dir Gen Aaron Aquino – kulang na lang na diretsahang sabihin nila kay VP Leny na ‘wag silang pakialaman nito sa mga operasyong ginagawa ng kanilang mga kampo!
Ani Gamboa: “Bigyan natin si Vice President Robredo ng chance, but we suggest, we strongly suggest even on our committees, that she would concentrate on advocacy and rehabilitation.” Dagdag pa niya: “VP Robredo should have a say on how law enforcement agencies implement relevant anti-drug policies, just as how she suggested improvements to Oplan Tokhang during the last ICAD meeting.”
Nang sabihin ni VP Leny na dapat nilang pagtuunan ng pansin ang natanggap niyang mga report na ang ilegal na droga na pumapasok sa bansa ay galing sa China at ang karamihan sa mga big-time drug suspect ay mga Chinese national o kaya naman ay mga Tsinoy sa loob ng Filipino-Chinese community sa bansa, agad itong kinontra ni PDEA Dir. Aaron.
Ani Aaron: “The main source of course depends on the illegal drugs. Meth or shabu in the past are mostly coming from China, but not now most are coming from the Golden Triangle region which borders Laos, Thailand, and Myanmar.”
Grabe ‘di ba?Nakalimutan yata ng dalawang matikas na opisyal na ito na batay sa kautusan mismo ng Pangulo ay si VP Leny ang mamumuno sa lahat ng “government efforts against illegal drugs” at hindi lamang sa “rehabilitation” na ipinipilit ng mga ito.
Sa halip kasi na ibando nila sa media ang kanilang mga pagtutol sa anumang plano ni VP Leny, dapat ay upuan nila ito at diretsahang sabihin ang lahat ng kanilang saloobin dito – ‘di naman siguro nila nakalilimutan na si Leny ay ang pangalawang pinakamataas na opisyal pa rin sa bansa, bukod sa pagiging Crime Czar nito!
Pakiwari ko, malaki ang takot ng dalawang opisyal na ito sa mga impormasyon na maaaring ipasa – baka naman naipasa na – kay VP Leny ng mga foreign counterpart nito na gustong tumulong rito sa kampaniya laban sa ilegal na droga.
Hindi naman ako magtatakakang ganito ang kanilang nararamdaman – eh bakit nga ba?
Palagi naman kasing “sureball” ang mga intelligence report na galing sa mga Kano, lalo na sa Drug Enforcement Agency (DEA), at maaaring mapahiya ang PNP at PDEA – sakaling may mga matumbok na matataas na opisyal na sangkot pala sa ilegal na droga, mula sa dalawang ahensiyang ito!
May mga natatandaan pa nga akong malalaking kaso na ang impormasyon ay galing sa mga Kano na ikinahuli – may mga napatay pa nga – ng ilang mataas na opisyal ng PNP na sangkot sa “drug recycling” o pag-smuggle ng shabu sa bansa.
Ayaw lang ba talaga nilang mapahiya o baka naman may iba pang dahilan? Gusto ko na talagang matawa – hi hi hi!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.