KAPAG totoo ang ipinagyayabang ng pamunuan ng Valenzuela City na ang “online permit application system” para sa kanilang mga permit ay magagawa lamang sa loob ng sampung segundo, aba’y ito ang masasabi kong serbisyong “simbilis ng kidlat”.
Sa mga naglabasan kasing balita nito lamang nakaraang linggo, sinasabing pormal na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang tinatawag nitong “Paspas Permit” o isang integrated online permit application system na magre-rehistro, proseso, renew at pagkuha ng permit application sa loob lamang ng 10 segundo.
Mismong ang ama ng siyudad na si Mayor Rex Gatchalian ang naglunsad nito kasama sina Department of Trade and Industries (DTI) secretary Ramon Lopez at ang bumubuo ng konseho ng Valenzuela.
Ayon kay Mayor Rex, ang proyekto ay makabagong teknolohiya na tinawag nilang “3S Plus Valenzuela City Online Services” – isang online system na magbibigay ng “single platform for the application of permits and request for documents.”
Dati kasi ay 15 – 30 minutes para makakuha ng mga permit, na para sa akin ay mabilis na noon pa, kumpara sa ibang mga lokal na pamahalaan sa buong Metro Manila na napakaraming kuskos-balungos na hinihingi bago ka maka-first base sa nilalakad mong permit.
“The introduction of the “Paspas Permit” system will accelerate the city’s adoption of digital technology to streamline services for more than 18,000 businesses in the city,” ang buong pagmamalaki ni Mayor Rex.
Dagdag pa niya: “The new platform demonstrates the local government’s commitment to make services more efficient and innovative, which in turn can attract more investors and spur further development. Entrepreneurs are indispensable to our country’s growth and so we are empowering them through improved systems of service delivery.”
Ang makikinabang sa operation “Paspas Permit” na ito ay ang mga taga-Valenzuela City na naglalakad ng kanilang mga renewal o application of new business permits; building and construction permit; real property tax (RPT) payments; requests for certified true copy of tax declaration; tax mapping certificate; certificate of non-improvement and appraisal of real property; requests for certified true copy of birth, death, and marriage certificate, at mga court decision.
Ang mga documentary requirements na isa-submit online ay mare-review ng “realtime between 8:00 AM to 5:00 PM on Mondays to Fridays”, at ang maipapasa naman na lagpas sa office hours ay mapoproseso kinaumagahan ng kasunod na araw.
Matapos na maproseso ang mga kailangang permit online sa loob lamang ng 10 segundo, maidi-deliver naman ito agad sa loob ng tatlo o hanggang limang araw (working days) sa pamamagitan ng Wide World Express (dating DHL Philippines) at ang sikat ngayon na Grab Express.
Ang pagbabayad, madali lang – wala ng gayla o padulas pang kailangan – dahil ang lahat ng ito ay p’wedeng bayaran sa pamamagitan ng mga card na Visa, MasterCard, debit cards, Bancnet at PayMaya.
Iba talagang mamuno ang mga batang pulitiko, malawak ang imahinasyon lalo na sa paggamit ng kinalakihan nilang teknolohiya – ang bilis ng internet na naglalapit sa mga tao kahit na sa kabilang panig pa ng mundo.
“Simpler and faster processes reflect good governance and this is what we want to achieve through our 3S Plus Valenzuela City Online Services. This platform is a one-stop shop for permits and documents needed by residents, investors, and entrepreneurs who want to do business in our city,” ani Mayor Rex.
Mga ganitong klase ng serbisyo ang kailangan ng mga mamamayan– kaya sana pasiklaban pa more ang mga batang namumuno ngayon sa buong bansa at siguradong ang taong bayan ang makikinabang.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.