NANG ipinahiwatig ng Department of Education (DepEd) na marapat ngang ibalik ang pagtuturo ng good manners and right conduct (GMRC) sa basic education levels, naniniwala ako na napatunayan ng naturang ahensiya na ang nasabing aralin o asignatura ay dapat pag-aralan hindi lamang mula sa kinder kundi maging sa lahat ng antas ng edukasyon. Ang reaksiyon ng DepEd ay ginawa bilang tugon sa mga mungkahi ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, kabilang na ang ilang Senador at Kongresista na nagsulong ng mga panukalang-batas hinggil sa muling pagtuturo ng GMRC sa mga paaralan.
Magugunita na ang GMRC ay matagal nang sinimulang ituro sa elementary at high school -- noong ating kapanahunan maraming dekada na ang nakararaan. Dangan nga lamang at habang lumalaon, ang araling ito ay tila ipinagwalang-bahala sa mga eskuwelahan. Mabuti na lamang at ang DepEd (dating Department of Education, Culture and Sports (DECS) ay nagpalabas ng DO 90 at 91 na nag-aatas na isama ang GMRC sa elementary and high school levels. Subalit nakalulungkot mabatid na ang nasabing aralin ay inalis sa bagong K to 12 curriculum, bagamat ang ideya o konsepto nito ay naging bahagi ng ibang asignatura.
Ito marahil ang dahilan ng pagsusulong ng ilang mambabatas ng bill na mag-aatas ng pagtuturo ng GMRC sa mga estudyante. Layunin nito na maikintal sa puso at isipan ng ating mga mag-aaral ang tunay na diwa ng magandang pag-uugali -- mga katangian upang sila ay maging magalang at mabuting mamamayan.
Kapuna-puna na ang kasalukuyang henerasyon ng ating mga kabataan at mag-aaral ay tila nakalilimot na sa pagpapamalas ng huwarang asal. Madalang na, halimbawa, ang ating mga anak, apo at kamag-anak na nagmamano o humahalik sa ating mga kamay; bihira na tayong makarinig ng ‘po at opo’ -- simbolo ng kultura ng paggalang.
Kung sabagay, ang gayong pagpapamalas ng kagaspangan ng pag-uugali ay malimit na nating masaksihan sa mga katandaan. Ang kawalan ng paggalang ay nasasaksihan sa ating pakikihalubilo sa kapuwa. Hindi ba ang gayong mga eksena -- magaspang na asal -- ay nasasaksihan din natin sa kapulungan ng Kongreso?
Gusto kong maniwala na ang gayong pag-uugali ang nagpagunita sa pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) na ang masamang pag-uugali ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno ay pinarurusahan ng multa at pagkatiwalag sa serbisyo. Kailangang maging magalang at mapagpasensiya ang mga nasa serbisyo publiko, tulad ng itinatadhana ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Anupa’t lubhang mahalaga ang muling pagtuturo ng GMRC hindi lamang sa mga paaralan kundi maging sa iba’t ibang tanggapan, lalo na sa ating mga tahanan. Sa gayon, walang makapagsasabi na tayo ay tumatanda nang paurong.
-Celo Lagmay