BAGAMAT maaaring pansamantala lamang ang pagpapatigil ni Pangulong Duterte ng importasyon ng bigas, naniniwala ako na ito ay makapagpapatighaw, kahit papaano, sa panggagalaiti ng ating mga kababayang magsasaka. Lalo na nga ngayon na sinasabing tumitindi ang pagdurusa ng mga magbubukid dahil sa halos walang limitasyong pag-aangkat ng bigas alinsunod sa Rice Tariffication Law (RTL).
Natitiyak kong ikatutuwa rin ng mga magsasaka ang kabuntot na direktiba ng Pangulo kay Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA) at sa Kongreso: Maghanda ng pondo para sa pagbili ng lahat ng aning palay ng mga magbubukid sa bansa, lalo na sa mga lalawigang itinuturing na mga rice granary tulad ng Nueva Ecija, Isabela, Pangasinan, Cagayan, at iba pa. Ang naturang mga probinsiya ay umani na samantalang ang iba ay umaani pa. Sana, ang farm-gate price ng mga palay na bibilhin ng gobyerno, sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) ay medyo mataas upang hindi malugi ang ating mga magsasaka.
Sa kabila ng pagpapatigil ng importasyon ng bigas, hindi malayo na isulong ng mga magbubukid ang protesta upang hilingin ang pagpapawalang-bisa ng RTL. Tanging ang Kongreso -- hindi ang Pangulo at lalong hindi ang DA -- ang may kapangyarihang mag-amiyenda o kaya’y tuluyang magbasura sa naturang batas. Maaari lamang gamitin ng Pangulo ang kanyang veto power batay marahil sa rekomendasyon ng kanyang economic managers.
Totoo na ang implementasyon ng RTL ay kaagad inalmahan ng mga magbubukid dahil nga sa mistulang pagbalewala sa kanilang inaning palay. Ibig sabihin, masyado pang pinahalagahan ng mga rice importer ang bigas mula Vietnam, Thailand, at iba pang Southeast Asian countries. Mga bansa ito na sa mga Pilipino lamang natuto ng makabagong paraan ng pagsasaka.
Gusto kong maniwala na ang RTL ay makatutulong sa ating mga magbubukid. Ang bilyun-bilyong pisong taripa na makukuha rito ay ilalaan sa pangangailangan ng rice farmers, tulad ng mga binhi, agricultural implements at iba pa. Tulad ng laging binibigyang-diin ni Secretary Dar, ang P10-billion Rice Competitiveness Enhance Fund (RCEF) ay ilalaan sa paglutas ng mga problema ng agri-sector. Sa gayon, mababawasan ang production cost at madadagdagan naman ang produksiyon at kita ng mga magbubukid.
Gusto ko ring maniwala na pansamantala lamang ang pagpapatigil ng rice importation sa pangamba na tayo ay kapusin ng bigas para sa halos 110 milyong populasyon ng bansa, sa kabila ito ng sapat na ani ng ipinangangalandakan ng ilang sektor. Sana, maunawaan ito ng ating mga magbubukid.
-Celo Lagmay