EKSAKTONG 38 araw na lang at Pasko na, ang pinakahihintay na araw sa buwan ng Disyembre, kaya naman ang mga department store, lalo na ‘yung mga nasa loob ng naglalakihan na mga mall, kani-kanyang pakulo upang mahatak ang kanilang mga prospective customer.
At ang isang pakulo na karaniwan nang ginagamit nilang pantawag pansin sa mga naglilibot na shopper ay ang malalakas na mga pamaskong tugtugin – kung minsan naman ay ‘yung mga makabagong musika -- na paulit-ulit buong maghapon.
Kaya marahil, isa rin kayo sa mga katulad kong sobrang naiirita sa makabutas tenga na pagpapatugtog ng mga tenants sa loob ng mall, na sa tantiya ko’y sadyang ginagawa ng mga ito upang “pantawag pansin” ng mga shoppers na nagdaraan sa harapan ng kani-kanilang puwesto.
Ngunit sa totoo lang, alam kaya ng mga may-ari ng mga puwesto na sa halip na matuwa ay mas nakukulili ang mga tenga ng kanilang mamimili, dahilan para ang mga ito ay dali-daling lumabas ng tindahan?
Ang mga tunog na ating naririnig – maging ito man ay mataas o mababa -- ay sinusukat sa pamamagitan ng DECIBEL (dB) para sa lakas nito at HERTZ (Hz) ay sa tono naman.
May iba-ibang tunog na naririnig tayo sa kapaligiran, mula sa mahihinang tono na galing sa mga ibon, kulisap, galaw ng mga dahon sa halaman at puno, banayad na ihip ng hangin, hanggang sa malalakas na tunog ng musika, sigawan sa paligid, industrial noise – mga makina, kotse at ingay sa mga pabrika – na kayang pakinggan ng ating tenga. Ang tawag dito ay mga tunog na nasa “audible range”.
Ayon sa mga eksperto, ang taong may normal na pandinig ay kayang marinig ang pinakamababang pitch (tono) na 20Hz hanggang sa pinakamataas na 20,000 Hz. Ito ang tinatawag na “absolute borders of the human hearing range. Ngunit ang ating pandinig ay mas sensitive sa pagitan ng 2000 - 5000 Hz.
Ang normal na lakas naman ng tunog na kaya nating pakinggan ay mula sa 0 dB hanggang 70dB – ang mas mataas pa sa 85dB ay makasasama sa atin kapag tumagal ng mula 15 minuto pataas.
Ayon sa mga pantas, ang 91 dB ay makakaya ng ating tenga sa loob lamang ng dalawang oras, kapag sobra pa rito, kawawa umano ang ating pandinig.
Kaya namang sirain ng tunog na 100 dB normal na pandinig sa loob lamang ng 15 minuto, samantalang ang 112 dB naman ay sa loob lamang ng isang minuto. Ang pinakamalala ay ang pakikinig sa 140dB na agad sisira sa hearing nerves sa loob ng tenga.
Ito ang halimbawa ng mga sukat ng tunog na ating naririnig sa kapaligiran:
Mula 35 - 45 dB -- mga ingay ng kasangkapan na gamit sa loob ng bahay, gaya ng ikot ng bentilador, tunog ng refrigerator at washing machine; 55 – 65 dB lakas ng usapan ng mga kasama sa loob ng bahay; 75 – 85 dB ingay ng mga sasakyang umaandar ang makina sa gitna ng mahabang trapik sa kalsada; 105 to 115 dB ang mga musikang ating kinagigiliwang pakinggan sa loob ng concert hall; 115 – 125 dBang makabutas tengang ingay ng mga wang-wang sa kalsada; 135 – 145 dB para sa ingay nang papalipad na mga eroplano sa airport; 155 – 165 dB ang mga makabutas tenga na putok ng baril, firecrackers at iba pang pasabog tuwing may selebrasyon sa tabi-tabi.
Mas masarap pa rin sa aking palagay ang musikang ibinubulong lang sa ating pandinig na nakapagpapasigla at nakabubuhay ng damdamin – at hindi itong mga makabasag “ear drum” na mga tugtugan sa loob ng mga mall!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.