SA harap ng halos walang limitasyong pag-aangkat ng bigas na ngayon ay dumadagsa sa ating mga pamilihan, isang higanteng hakbang wika nga, ang ating mistulang pakikipagpaligsahan upang patunayan na mataas ang kalidad ng inaani nating bigas. Ang ganitong estratehiya ay natitiyak kong makapagpapaangat sa adhikain ng gobyerno na makaungos sa rice competitiveness at rice self-sufficiency na tinatamasa ngayon ng mga ASEAN countries tulad ng Vietnam, Malaysia, Thailand, at iba pa.
Isang malaking kabalintunaan na ang nabanggit na mga bansa ang tila namamayani ngayon sa larangan ng rice production; isang hindi mapasusubaliang katotohanan na ang mga iyon ay mistulang pinaunlad ng ating mga agricultural experts. Natutuhan nila ang iba’t ibang makabagong teknolohiya sa pagsasaka sa Central Luzon State University, UP Los Baños, at iba pang agri-school.
Ang naturang mga bansa ang tila kinikilala ngayon sa larangan ng rice production; sila pa ngayon ang tila pinapaboran; lalo na kung isasaalang-alang na sa kanila umaangkat ang ating mga rice importers. Sila ang nakikinabang sa kontrobersyal na Rice Tariffication Law (RTL) na pinakikinabangan din ngayon marahil ng ilang kontrobersyal na rice importer.
Gusto kong maniwala na ito ang dahilan ng pagsusulong ngayon ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA) ng tinatawag na rice competitiveness upang makaagapay kundi man makaungos tayo sa ibang bansa sa larangan ng pagpapabuti ng ani. Kaakibat ito ng pagsusulong din ng mga estratehiya upang tayo ay magkaroon ng sapat na produksiyon; upang sa kalaunan, tayo ay maging isa namang rice exporting country o bansang nagluluwas ng bigas mula sa pagiging isang rice importing country o isang bansang umaangkat ng bigas.
Sa ganitong pagsisikap, naniniwala ako na sisikapin ni Secretary Dar na buhusan, wika nga, ng nararapat na ayuda ang mga magbubukid tulad ng mga agricultural implements na maaaring pondohan ng buwis mula sa RTL. Kaakibat ito ng kanyang utos sa National Food Authority (NFA) na bilhin ang mga palay ng mga magsasaka mula sa mga lalawigan na maituturing na rice granary, tulad ng Isabela, Pangasinan at iba pa.
Hindi nahuhuli sa ganitong pagsisikap ang aming lalawigan na ngayon ay puspusang namimili ng aning palay ng mga magsasaka. Milyung-milyong piso ang inilaan ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali upang puspusan ding matulungan ang mga magbubukid tungo sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon -- mga estratehiyang kailangan sa rice competitiveness at rice self-sufficiency.
-Celo Lagmay